3,703 total views
Paggunita kay Santa Rosa de Lima, dalaga
Mga Hukom 9, 6-15
Salmo 20, 2-3. 4-5. 6-7
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Mateo 20, 1-16a
Memorial of St. Rose of Lima, Virgin (White)
Secondary Patroness of the Philippines
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Mga Hukom 9, 6-15
Pagbasa mula sa aklat ng mga Hukom
Noong panahong iyon, ang mga taga-Siquem at Betmilo ay sama-samang nagpunta sa may sagradong puno ng encina sa Siquem at itinalagang hari si Abimelec.
Nang mabalitaan ito ni Joatam, tumayo siya sa itaas ng Bundok ng Gerizim, at humiyaw, “Mga taga-Siquem, makinig kayo sa akin at makikinig sa inyo ang Diyos. Noong unang panahon, nag-usap-usap ang mga punongkahoy upang pumili ng hari. Sinabi nila sa olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ Sumagot ang olibo, ‘Kakailanganin kong itapon ang aking langis na gamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao kung ako ang mamamahala sa inyo.’ Sinabi nila sa igos, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ Ngunit sumagot ang igos, ‘Kakailanganin kong iwan ang masasarap kong bunga kung pamamahalaan ko kayo.’ Kaya sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ Sumagot ang ubas, ‘Sa akin nanggagaling ang alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao. Kakailanganin kong iwan yaon kung ako ang maghahari sa inyo.’ Kaya, sinabi nila sa dawag, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’ Ang sagot ng dawag, ‘Kung talagang ibig ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy upang sunugin ang mga sedro ng Libano.’”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 20, 2-3. 4-5. 6-7
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Nagagalak ang hari,
O Poon, dahilan sa lakas mong bigay,
siya’y nagagalak sa kanyang tagumpay.
Binigyan mo siya
ng lahat ng kanyang mga kailangan,
at iyong dininig, kanyang kahilingan.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Dinalaw mo siya
na ang iyong taglay ay gintong korona,
iyong pinagpala’t pinutungan siya.
Hiling niya’y buhay
at iyon ang iyong ipinagkaloob,
buhay na mahaba’t walang pagkatapos.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
At naging dakila,
pinadakila mo nang iyong tulungan,
naging bantog siya’t makapangyarihan.
Iyong pinagpala ng pagpapala mong walang katapusan,
nagagalak siya sa iyong patnubay.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
ALELUYA
Hebreo 4, 12
Aleluya! Aleluya!
Buhay ang Salita ng Diyos
Ganap nitong natatalos
Tanang ating niloloob.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 20, 1-16a
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad ang talinghagang ito: “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: lumabas nang umagang-umaga ang may-ari ng ubasan upang humanap ng mga manggagawa. Nang magkasundo na sila sa upa na isang denaryo maghapon, sila’y pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-iikasiyam ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa liwasang-bayan. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumaroon din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumaroon nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-iikalabindalawa ng tanghali at nang mag-iikatlo ng hapon, at gayun din ang ginawa niya. Nang mag-iikalima ng hapon, siya’y lumabas uli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo tatayu-tayo lang dito sa buong maghapon?’ “Wala pong magbigay sa amin ng trabaho, e!’ sagot nila. At sinabi niya, ‘Kung gayun, pumaroon kayo at gumawa sa aking ubasan.’
“Pagtatakip-silim, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at sila’y upahan, magmula sa huli hanggang sa buong nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-iikalima ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang denaryo. At nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa’y tumanggap din ng isang denaryo. Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sabi nila, ‘Isang oras lang pong gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagpagal at nagtiis ng nakapapasong init ng araw. Bakit naman po ninyo pinagpare-pareho ang upa sa amin?’ At sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo? Kunin mo ang ganang iyo, at umalis ka na. Maano kung ibig kong upahan ang nahuli nang tulad ng upa ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin ang aking maibigan sa ari-arian ko? O naiinggit ka lang sa aking kabutihang-loob?’ Kaya’t ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Ang pamamaraan ng Diyos ay hindi tulad ng sa atin. Dahil ang kanyang katurungan at kagandahang-loob ay higit pa sa ating turing at sukat, lumapit tayo sa kanya habang nananalig na pakikinggan niya tayo at hindi bibiguin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, sumaamin nawa ang iyong kagandahang-loob.
Ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang mga misyonero at tagapagpahayag, nawa’y maipalaganap ang Ebanghelyo ng Panginoon nang may katapangan at patitiyaga, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y makapaglingkod sa Panginoon at sa isa’t isa nang walang hinihintay na merito at gantimpala, at sa halip gawin lamang ito nang may kabutihan mula sa ating mga puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga walang trabaho nawa’y dagling makatagpo ng kanilang hanapbuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nagdurusa nawa’y masiyahan sa kalinga at unawa ng kanilang pamilya at mga kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagtiyagang mamuhay nang mabuti sa mundong ito at namayapa nawa’y makatanggap ng gantimpala sa makalangit na Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon naming Diyos, mapagkumbaba kaming naglilingkod sa iyo sa abot ng aming makakaya nang walang hinihiling kapalt. Naniniwala kami na nasa piling ka namin at binibiyayaan mo kami ng mabubuting bagay dahil sa iyong Ama na si Jesus, aming Panginoon. Amen.