5,203 total views
Miyerkules ng Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
1 Tesalonica 2, 9-13
Salmo 138, 7-8. 9-10. 11-12ab
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
Mateo 23, 27-32
Wednesday of the Twenty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Tesalonica 2, 9-13
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga Taga-Tesalonica
Tiyak na natatandaan pa ninyo, mga kapatid, kung paano kami gumawa at nagpagal araw-gabi para hindi kami maging pasanin ninuman samantalang ipinahahayag namin sa inyo ang Mabuting Balita.
Saksi namin kayo at gayun din ang Diyos na kami ay tapat, mabuti, at ganap sa pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. Tulad ng alam ninyo, kami’y naging parang ama ng bawat isa sa inyo. Pinalakas namin ang inyong loob, inaliw kayo at hinimok na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na humirang sa inyo upang makahati sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.
Ito pa ang lagi naming ipinagpapasalamat sa Diyos: nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, tinanggap ninyo ito bilang tunay na salita ng Diyos, at hindi ng tao. Anupat ang bisa nito’y nakikita sa buhay ninyo mga sumasampalataya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 138, 7-8. 9-10. 11-12ab
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
Saan ako magpupunta, upang ako’y makatakas?
Sa Banal mong Espiritu’y hindi ako makaiwas.
Kung langit ang puntahan ko, pihong ika’y naroroon,
sa Sheol ay naroon ka kung do’n ako manganganlong.
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
Kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko’y ang duluhan ng kanluran;
pihong ikaw ay naroon, upang ako’y pangunahan,
Matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
at sa iyo yaong gabi’y parang araw na maningning.
Ako’y iyong siniyasat,
kilala mo akong ganap.
ALELUYA
1 Juan 2, 5
Aleluya! Aleluya!
Lubos na magtatamasa
ng pag-ibig ng D’yos Ama
ang sumunod sa Anak n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 27-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ang katulad ninyo’y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit sa loob ay puno ng kabulukan at buto ng mga patay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao’y mabubuti kayo, ngunit ang totoo, punung-puno kayo ng pagpapaimbabaw at kasamaan.
“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo! Mga mapagpaimbabaw! Ipinagtatayo ninyo ng mga libingan ang mga propeta at ginagayakan ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. At sinasabi ninyo, ‘Kung kami sana’y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi namin ipapapatay ang mga propeta.’ Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo’y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta! Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Hilingin natin sa Panginoon na tulungan tayong maging tapat sa ating mga kilos.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, basahin mo ang aming mga puso, at tugunin mo kami.
Sa ating buhay bilang Bayan ng Diyos, nawa’y matugunan natin ang mga hamon ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng ating tapat na pagsaksi, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang maiwasang gumawa ng mga bagay dahil lamang sa ating pagnanasang tumulad sa karamihan o dahil sa ating pagkukunwari, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nawalan ng pag-asa dahil sa ating masamang pakikitungo at pag-uugali nawa’y manumbalik sa pagsamba sa Diyos sa pamamagitan ng ating pagbabagumbuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makita ang mapagpagaling na kamay ng Diyos sa kanilang mga dinaranas na mga pagsubok at paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao sa buhay na ito nawa’y tanggapin sa walang hanggang kaluwalhatian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, tulungan mo kaming sambahin ka nang may katapatan sa aming puso at makalapit kami sa iyo sa Espiritu at sa katotohanan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.