4,422 total views
Paggunita kay Santa Lucia, dalaga at martir
Isaias 40, 25-31
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
Mateo 11, 28-30
Memorial of St. Lucy, Virgin and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules sa Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
UNANG PAGBASA
Isaias 40, 25-31
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Saan ninyo ngayon ipaparis ang Diyos?
Siya’y kanino itutulad?
Tumingin kayo sa sangkalangitan.
Sino ba ang lumikha ng mga bituin?
Sino ba ang sa kanila’y nagpapakilos
at isa-isang tumatawag sa kanilang pangalan?
Dahil sa kanyang kapangyarihan,
isa ma’y wala siyang nakaligtaan.
Israel, bakit ikaw ay nagrereklamo
na tila di alintana ng Panginoon
ang kabalisahan mo,
at tila di pansin ang iyong kaapihan?
Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos,
na itong Panginoon ang walang hanggang Diyos?
Siya ang lumikha ng buong daigdig,
hindi siya napapagod;
sa isipan niya’y walang makatatarok.
Ang mga mahina’t napapagal ay pinalalakas.
Kahit kabataan
ay napapagod at nanlulupaypay.
Ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon
ay magpapanibagong sigla.
Ang lakas nila’y matutulad
sa walang pagod na pakpak ng agila.
Sila’y tatakbo nang tatakbo
ngunit di manghihina,
lalakad nang lalakad
ngunit hindi mapapagod.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 8 at 10
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.
Panginoo’y papurihan,
aba kong sariling buhay.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Panginoon nagliligtas
sa ati’y darating tiyak
mapalad s’yang makaharap.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 28-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako’y maamo at mababang-loob at makasusumpong kayo ng kapahingahan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Miyerkules
Sinabi ni Jesus, “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo.” Buo ang tiwala sa pangakong ito, idulog natin sa kanya ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, maawa ka sa amin.
Ang Santo Papa at mga obispo ng Simbahan nawa’y gabayan tayo sa daan ng kapayapaan at pagkakasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinanghihinaan ng loob dahil sa mabibigat na pasanin sa buhay nawa’y makahanap ng kanlungan sa Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Amg mga naliligalig o nagdaranas ng kaguluhan ng isip nawa’y makatagpo ng kapanatagan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinahihirapan ng karamdaman at pananakit ng katawan nawa’y makatagpo ng ginhawa at paggaling sa pangangalaga at malasakit ng mga taong kumakalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa na ay makatagpo nawa ng walang hanggang kapahingahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ipinanganagko sa main ng iyong Anak na kami ay kanyang pagiginhawahin kapag kami ay nahihirapan. Loobin mo na sa tuwina’y makasunod kami sa kanyang paggabay at palakasin kami upang maging mga kasangkapan ng kanyang kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.