7,161 total views
Paggunita kay San Antonio, abad
1 Samuel 17, 32-33. 37. 40-51
Salmo 143, 1. 2. 9-10
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Marcos 3, 1-6
Memorial of St. Anthony, Abbot (White)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 17, 32-33. 37. 40-51
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, pagdating kay Saul, sinabi ni David, “Di po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong ‘yon. Ako ang lalaban sa kanya.”
Sinabi ni Saul, “Hindi mo kaya ang Filisteong ‘yon! May gatas ka pa sa labi, samantalang siya’y isang kilabot na mandirigma.”
Idinugtong pa ni David, “Ang Diyos na nagligtas sa akin sa kuko ng mga leon at ng mga oso ay siya ring magliligtas sa akin sa Filisteong iyon.”
Kaya’t sinabi ni Saul, “Kung gayon, labanan mo siya at patnubayan ka nawa ng Panginoon.” Pagkatapos, dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na bato sa sapa, isinilid sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang harapin si Goliat.
Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David, sa hulihan ng tagadala ng kanyang mga sandata. Nang makita niyang si David ay musmos, hinamak niya ito, at pakutyang tinanong, “Anong akala mo? Aso ba ang lalabanan mo at tungkod lang ang dala mo?” At si David ay sinumpa ni Goliat sa ngalan ng kanyang diyos. Sinabi pa niya, “Halika nga rito’t nang maipakain kita sa mga ibon at mga hayop.”
Sumagot si David, “Ang dala mo’y tabak, sibat at balaraw, ngunit lalabanan kita sa ngalan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. Ibibigay ka niya sa akin ngayon! Pupugutin ko ang ulo mo at ipapakain kita sa mga ibon at sa mga hayop, pati ang iyong mga kasamahan. Sa gayon, malalaman ng daigdig na ang Diyos ng Israel ay buhay. At makikita ng lahat ng narito na makapagliligtas ang Panginoon kahit walang tabak at sibat. Siya’y makapangyarihan at ipalulupig niya kayo sa amin.”
Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang sinalubong ni David, habang dumudukot ng bato sa kanyang supot. Tinirador niya si Goliat at tinamaan ito sa noo. Bumaon ang bato at si Goliat ay padapang bumagsak. Natalo ni David si Goliat sa pamamagitan nga ng tirador. Napatay niya ito bagamat wala siyang tabak. At patakbong lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, binunot ang tabak nito, at pinugutan ng ulo.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 143, 1. 2. 9-10
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Purihin ang Poon, na aking sanggalang,
sa pakikibaka, ako ay sinanay;
inihanda ako, upang makilaban.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
Matibay kong muog at Tagapagligtas,
at aking tahanang hindi matitinag;
Tagapagligtas kong pinagtitiwalaan,
nilulupig niya ang sakop kong bayan.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
O Diyos, may awitin akong bagung-bago,
alpa’y tutugtugin at aawit ako.
Tagumpay ng hari ay iyong kaloob,
at iniligtas mo si David mong lingkod.
Ang Poon ay papurihan,
siya ang aking sanggalang.
ALELUYA
Mateo 4, 23
Aleluya! Aleluya!
Ipinangaral ni Hesus
ang paghahari ng Diyos.
Sakit ay kanyang ginamot.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling pumasok si Hesus sa sinagoga, at naratnan niya roon ang isang lalaking patay ang isang kamay. Kaya’t binantayan si Hesus ng ilang taong naroon upang tingnan kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, para may maiparatang sila sa kanya. Tinawag ni Hesus ang lalaking patay ang kamay: “Halika rito sa unahan!” Tinanong niya pagkatapos ang mga tao, “Alin ba ang ayon sa Kautusan: ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay?” Ngunit hindi sila sumagot. Habang tinitingan ni Hesus ang mga taong nasa paligid niya, galit at lungkot ang nabadha sa kanyang mukha, dahil sa katigasan ng kanilang ulo. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito’y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at nakipagsabwatan sa mga kampon ni Herodes upang ipapatay si Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Pinalaya tayo ni Kristo sa mapanirang kapangyarihan ng kasamaan at kasalanan upang maging malaya tayong makibahagi sa pagpapahayag ng Mabuting Balita. Hinihingi natin ang biyaya at pagbabasbas na ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng Pag-ibig, iabot Mo ang Iyong kamay sa amin.
Ang Simbahan nawa’y makatagpo ng pamamaraan na mapalaya ang sinuman sa anumang hadlang upang ipahayag ang Ebanghelyo sa mga tao sa ating panahon ngayon, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa nagugutom na daigdig, lalo na sa mga taong hindi makatarungnang pinagkakaitan ng pagkain, damit, at tahanan nawa’y pagkalooban sila ng Panginoon ng pag-asa at kalakasan ng loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y hindi maging mga taong mapagkunwari na sumusunod sa batas, kundi maging mga taong may pusong gagawin ang mabuti at nararapat bilang mga anak ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magmalasakit sa mga nagdurusa at naghihirap upang mapagaan ang kanilang dinadala at tulungan silang patuloy na manalig sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namatay at yaong mga nagluluksa sa kanilang pagkawala nawa’y makatagpo ng pag-asa at kasiyahan sa Panginoong Muling Nabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Mapagmahal na Diyos, inaangkin namin na kami ay sa iyo at sa iyong Anak. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tulungan mo kaming mahalin ka sa pamamagitan ng aming pagkalinga at pagbibigay kasiyahan sa aming kapwa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.