2,616 total views
Miyerkules ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Tito 3, 1-7
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Lucas 17, 11-19
Memorial of Saint Martin of Tours, Bishop (White)
Saturday of the Thirty-second Week in Ordinary Time (II)
UNANG PAGBASA
Tito 3, 1-7
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo kay Tito
Pinakamamahal, paalalahanan mo silang pasakop sa mga pinuno at mga maykapangyarihan, sundin ang mga ito, at maging handa sa paggawa ng mabuti. Pagbawalan mo silang magsalita ng masama kaninuman. Kailangang maging maunawain sila, mahinahon at maibigin sa kapayapaan. Noong una, tayo’y nalihis ng landas dahil sa ating kamangmangan at katigasan ng ulo; naging alipin tayo ng sariling damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo’y kinapootan ng iba at sila’y kinapootan din natin. Ngunit nang mahayag ang kagandahang-loob at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, tayo’y iniligtas niya. Natamo natin ito hindi dahil sa ating mabubuting gawa, kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Naligtas tayo at ipinanganak na muli sa Espiritu Santo na siyang luminis at nagbigay ng bagong buhay sa atin. Sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Hesukristo, ibinubuhos sa atin ng Diyos ang Espiritu Santo upang tayo’y pabanalin ng kanyang pag-ibig at kamtan natin ang buhay na ating inaasahan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.
Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.
ALELUYA
1 Tesalonika 5, 18
Aleluya! Aleluya!
Ang D’yos Ama’y naghahangad
lagi tayong pasalamat
kaisa ng kanyang Anak.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 11-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Sa paglalakbay ni Hesus patungong Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, siya’y sinalubong ng sampung ketongin. Tumigil sila sa malayu-layo at humiyaw ng: “Hesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” nang makita sila ay sinabi niya, “Humayo kayo at pakita sa mga saserdote.” At samantalang sila’y naglalakad, gumaling sila. Nang mapuna ng isa na siya’y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at nagpasalamat. Ang taong ito’y Samaritano. “Hindi ba sampu ang gumaling?” tanong ni Hesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik at nagpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Tumindig ka’t humayo sa iyong lakad! Pinagaling ka dahil sa iyong pananalig.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Labis na mapagbigay ng biyaya, kagalingan, at kapatawaran ang Panginoon. Subalit ipinagwawalang-bahala natin ang mga ito. Nakakalimutan natin siyang pasalamatan. Dalhin natin ang ating mga panalangin sa kanya sa diwa ng pasasalamat.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pasasalamat, tumatawag kami sa Iyo, Panginoon.
Ang Simbahan sa lupa nawa’y patuloy na hilumin sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ang mga may wasak na buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang purihin at pasalamatan ang Diyos sa mga biyaya ng buhay, pananampalataya, kalusugan, kaligayahan, at alab ng pagmamahalan ng pamilya, kaibigan, at komunidad, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y laging magpasalamat sa lahat ng aspeto ng ating buhay para sa pag-ibig na ibinuhos sa atin ng Diyos noong angkinin niya tayo bilang kanyang mga anak, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga nabibigatan sa buhay nawa’y makita ang katangi-tanging pag-ibig at kalinga ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamalasakit ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mapabilang sa mga banal sa pagsamba sa Diyos sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, pinasasalamatan ka namin para sa aming mga buhay at sa bagong buhay na iyong ipinagkakaloob sa amin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.