6,702 total views
Paggunita kay Santa Cecilia, dalaga at martir
2 Macabeo 7, 1. 20-31
Salmo 16, 1. 5-6. 8b at 15
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
Lucas 19, 11-28
Memorial of St. Cecilia, Virgin and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
2 Macabeo 7, 1. 20-31
Pagbasa mula sa Ikalawang aklat ng Macabeo
Noong mga araw na iyon, isang ina at ang kanyang pitong anak na lalaki ang ipinahuli ng hari. Sila’y pinahirapan para piliting kumain ng karneng baboy na ipinagbabawal ng Diyos.
Ang di malilimot at higit na kahanga-hanga ay ang ina. Nasaksihan nito ang sunud-sunod na pagpaparusang ginawa sa kanyang pitong anak hanggang sa ang mga ito’y mamatay sa loob lamang ng isang oras. Ngunit hindi nasira ang kanyang loob dahil nagtitiwala siya sa Panginoon. Malakas ang kanyang loob kahit na siya’y babae; kasintapang siya ng lalaki. Sa wika ng kanyang mga ninuno, isa-isa niyang pinalakas ang loob ng kanyang mga anak. Ganito ang sabi niya, “Hindi ko alam kung paano kayo naging tao sa aking sinapupunan. Hindi ako ang naglagay ng iba’t ibang sangkap ng inyong katawan at nagbigay sa inyo ng buhay. Ang lumikha ng buong santinakpan ang siya ring lumilikha ng tao at lahat ng bagay. Dahil sa kanyang kagandahang-loob ay ibabalik niyang muli ang inyong hininga at buhay, yamang hindi ninyo inaalintana ang sariling buhay dahil sa kanyang Kautusan.”
Sa pandinig ni Antioco, ang pangungusap na ito ng ina ay isang pag-aglahi sa kanya, kaya’t sinikap niyang mahimok ang bunsong anak ng babae na talikdan ang kanyang relihiyon. Ipinangako niya na payayamanin siya at patatanyagin; pagkakalooban pa ng mataas na tungkulin at ituturing na isang kaibigan ng hari. Subalit hindi siya inintindi ng anak, kaya’t nilapitan ng hari ang ina. Sinabi niyang payuhan nito ang anak kung gusto niyang ito’y mabuhay. Sa kahihimok ng hari, napahinunod ang ina na kausapin ang anak. Bilang pag-uyam sa malupit na hari, dumikit siya sa kanyang anak at pabulong na kinausap ito sa sariling wika, “Anak, mahabag ka sa iyong ina na siyam na buwang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan. Tatlong taon kitang pinasuso. Pinalaki kita, pinapag-aral at inaruga hanggang ngayon. Masdan mo ang kalangitan at ang daigdig at lahat ng bagay na naroon. Alam mong ang lahat ng iyan ay nilikha ng Diyos, tulad din naman ng sangkatauhan. Huwag kang matakot sa berdugong ito. Ipakita mong karapat-dapat ka sa iyong mga kapatid na nagdusa hanggang kamatayan, upang sa muling pagkabuhay ay makapiling kita kasama nila.”
Hindi pa man natatapos magsalita ang ina, sinabi ng anak, “Ano pang iyong hinihintay, Haring Antioco? Hindi ko susundin ang utos mo; ang susundin ko’y ang mga utos na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni Moises! Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng pagpapahirap na ito sa mga Judio! Ngunit tandaan mo na hindi ka makatatakas sa parusa ng Diyos!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 16, 1. 5-6. 8b at 15
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
Dinggin mo po, Panginoon, ang tapat kong panawagan,
Poon, ako ay dinggin mo, sa daing ko na tulungan;
pagkat ako’y taong tapat, di nandaya kailanman,
kaya ako’y sumasamong dalangin ko ay pakinggan.
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
Palagi kong sinusundan ang landas mong itinakda,
hindi ako lumilihis sa kanan man o kaliwa.
Ang daing ko, Panginoon, ay lagi mong dinirinig,
kaya ako’y dumudulog at sa iyo humihibik.
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
Kung paanong sa mata mo’y lubos ang ‘yong pag-iingat,
gayun ako ingatan mo sa lihim ng iyong pakpak.
Yamang ako ay matuwid, ang mukha mo’y mamamalas
kapag ako ay nagising, sa piling mo’y magagalak.
Paggising ko, Poong sinta,
sa piling mo’y magsasaya.
ALELUYA
Juan 15, 16
Aleluya! Aleluya!
Hinirang tayo ni Kristo
upang mamungang totoo
bilang mabubuting tao.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 19, 11-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, isinaysay ni Hesus ang isang talinghaga sa mga nakarinig ng una niyang pangungusap. Ginawa niya ito sapagkat malapit na siya sa Jerusalem, at ang akala ng mga tao ay itatatag na ang kaharian ng Diyos. Sabi niya: “May isang mahal na taong nagtungo sa malayong lupain upang gawing hari at magbalik pagkatapos niyon. Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin. Binigyan niya ang mga ito ng tig-iisang salaping ginto at sinabihan sila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa pagbabalik ko.’ Poot na poot naman sa kanya ang kanyang mga kababayan, kaya’t pagkaalis niya, nagsugo sila ng mga kinatawan upang sabihin sa kinauukulan: ‘Ayaw naming maging hari ang taong ito!’
“Ngunit ginawa ring hari ang taong iyon. Umuwi siya pagkatapos, at ipinatawag ang mga aliping binigyan niya ng salaping ginto, upang malaman kung gaano ang tinubo ng bawat isa. Lumapit sa kanya ang una at ang sabi, ‘Panginoon, ang salapi ninyong ginto ay nagtubo ng sampu.’ ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Yamang naging matapat ka sa kakaunting bagay, pamamahalain kita sa sampung bayan.’ Lumapit ang ikalawa at ang sinabi, ‘Panginoon, ang inyong salaping ginto ay nagtubo ng lima.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Mamamahala ka sa limang bayan.’ Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Panginoon, heto po ang inyong salaping ginto. Binalot ko po sa panyo at itinago. Natatakot po ako sa inyo, sapagkat napakahigpit ninyo; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo, at inaani ang hindi ninyo inihasik.’ Sinagot siya ng kanyang panginoon, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan kita hahatulan. Alam mo palang ako’y mahigpit. Sinabi mo, kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko inihasik. Bakit hindi mo inilagay sa bangko ang aking salapi? Pagbabalik ko, sana’y may tinubo ang puhunang ito.’ At sinabi niya sa mga naroroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang salaping ginto, at ibigay sa may sampu.’ ‘Panginoon, siya po’y mayroon nang sampung salaping ginto!’ wika nila. ‘Sinasabi ko sa inyo: ang bawat mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Tungkol naman sa mga kaaway kong aayaw na ako’y maghari sa kanila – dalhin ninyo dito at patayin sa harapan ko!’”
Pagkasabi nito, nagpauna si Hesus patungong Jerusalem.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Natitipon bilang mga anak ng Diyos Ama na tagapagbigay ng lahat ng kabutihan, may pagpipitaan tayong manalangin sa kanya.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng kabutihan, basbasan Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y hindi matakot sa mga pagsubok kaugnay ng mga pagbabago at magamit niya sa matuwid na pamamaraan ang mga biyayaang ipinagkaloob sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng tao nawa’y makibahagi sa kayamanan ng lupa nang may katarungan, pagkakaisa, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng malalim na pagpapahalaga sa simpleng buhay upang lubos nating madama ang patuloy na pagdaloy ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga maliliit na gawang kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga doktor, mga nars, at yaong mga nasa propesyon ng pag-aalaga nawa’y gamitin ang kanilang mga biyaya sa paghahatid ng pag-ibig at habag ni Kristo sa mga dukha, nalulumbay, maysakit, at ma nasa bilangguan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinagpalang yumao nawa’y makasama sa walang hanggang kaligayahan ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming manatiling tapat sa maliliit na bagay ng buhay upang mapagkatiwalaan mo kami sa mga higit na dakilang bagay kapag pumasok kami sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.