5,490 total views
Miyerkules ng Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Daniel 5, 1-6. 13-14. 16-17. 23-28
Daniel 3, 62. 63. 64. 65. 66. 67
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Lucas 21, 12-19
Wednesday of the Thirty-fourth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Daniel 5, 1-6. 13-14. 16-17. 23-28
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel
Noong mga araw na iyon, si Haring Belsasar ay nagdaos ng malaking piging para sa sanlibong tagapamahala niya. Nang kasalukuyan silang nag-iinuman, ipinakuha ni Haring Belsasar ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nabucodnosor sa templo ng Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman nila – ng mga maharlika ng kaharian, mga tunay na asawa at mga aliping asawa. Ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam sa templo ng Diyos ay dinala nga sa bulwagang pinagdarausan ng piging. Habang sila’y nag-iinuman, sinasamba naman nila ang kanilang diyus-diyusang ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.
Walang anu-ano, lumitaw ang isang kamay at kitang-kita ni Haring Belsasar na ito’y sumulat sa pader ng palasyo, sa tapat ng kandelero. Dahil dito, nangalisag ang kanyang mga balahibo at namutla siya sa matinding takot.
At ipinatawag si Daniel at iniharap sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw ba ang Daniel na kasama sa mga binihag ng aking ama mula sa Juda? Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. May pambihirang talino ka raw at kaalaman. Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga bagay na tulad nito at mahusay kang lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, pararamtan kita ng purpura, kukuwintasan ng ginto at gagawing pangatlong tao sa kaharian.”
Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na po lamang at ipaliliwanag ang sulat.
“Nagpakataas kayo sa harapan ng Panginoon. Ipinakuha ninyo ang mga kagamitan sa kanyang templo at ginamit sa inuman. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakikita ni nakaririnig. At ang Diyos na nagbibigay sa inyo ng buhay ay hindi ninyo pinarangalan. Kaya, ipinadala ang kamay na yaon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.
“Ito ang sulat: Mene, mene, tekel, parsin. Ito naman ang ibig sabihin: Mene, nabibilang na ang araw ng iyong kaharian pagkat wawasakin na ito ng Diyos. Tekel, ikaw ay tinimbang at napatunayang nagkukulang. Parsin, ang kaharian mo at mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”
Ang Salita ng Diyos
SALMONG TUGUNAN
Daniel 3, 62. 63. 64. 65. 66. 67
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, araw at buwan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga bituin sa langit;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, mga ulan at hamog;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng hanging umiihip sa sandaigdigan;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon, apoy at init;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
Purihin ninyo ang Panginoon,
nakapapasong init at matinding lamig;
awitan siya ng papuri at dakilain magpakailanman.
Dakilai’t papurihan
ang Poon magpakailanman.
ALELUYA
Pahayag 2, 10k
Aleluya! Aleluya!
Manatili kang matapat
hanggang iyong kamatayan,
pagkat buhay, aking bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 21, 12-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Darakpin kayo’t uusigin. Kayo’y dadalhin sa mga sinagoga upang litisin at ipabilanggo. At dahil sa akin ay ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador. Ito ang pagkakataon ninyo upang magpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban, huwag kayong mababalisa tungkol sa pagtatanggol sa inyong sarili; sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan. At ipapapatay ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi mawawala ni isang hibla ng inyong buhok. Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Sa Diyos ang daigdig at ang sangkatauhan. Ipagkatiwala natin ang ating sarili sa kanya, nang may pananalig at umasa sa kanyang pagtatanggol.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, manatili nawa kami sa Iyong pagkalinga.
Ang Simbahan nawa’y tumingin sa kinabukasan nang may kapayapaan at pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pamamagitan ng ating paggawa ng kabutihan, ang mga hinahamak, mga tinanggihan, at mga hindi minamahal sa ating lipunan nawa’y makadama ng kalinga ng Diyos sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng matatag na pananalig kay Jesus na nagbubukas ng ating paningin sa kagandahan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at ang mga nagdurusa nawa’y makita at madama ang mapagpagaling na presensya ng Diyos sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kamag-anak at mga kaibigan nawa’y pagkalooban ng walang hanggang liwanag at biyaya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, punuin mo kami ng iyong pag-ibig at pawiin mo ang kadiliman sa aming buhay upang makakilos at makagawa kami sa liwanag ni Kristo, ang iyong Anak na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.