3,557 total views
Miyerkules ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Papa San Juan XXIII
Jonas 4, 1-11
Salmo 85, 3-4. 5-6. 9-10
Poong banayad magalit,
wagas ang iyong pag-ibig.
Lucas 11, 1-4
Wednesday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. John XXIII, Pope (White)
UNANG PAGBASA
Jonas 4, 1-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas
Hindi nagustuhan ni Jonas ang pag-uurong ng Diyos sa balak na paggunaw sa Ninive at siya’y nagalit. Kaya, dumalangin siya, “Panginoon, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi mong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagpala. Alam ko ring matiyaga kayo, punung-puno ng pag-ibig at madaling mapawi ang galit. Mabuti pang mamatay na ako, Panginoon. Ibig ko pa ang mamatay kaysa mabuhay.”
Sumagot ang Panginoon: “Anong ikagagalit mo Jonas?” Walang kibong lumakad si Jonas papunta sa silangan ng lungsod at naupo. Gumawa siya ng isang silungan at doon hinintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. Pinatubo ng Panginoon sa tabi ni Jonas ang isang malagong halaman na nagbigay ng lilim sa kanya. Labis naman itong ikinagalak ni Jonas. Ngunit kinabukasan, ang halaman ay ipinasira ng Diyos sa isang uod at namatay. Sumikat nang matindi ang araw at umihip ang nakapapasong hangin; halos mahilo si Jonas sa matinding init. Kaya sinabi niya: “Mabuti pang mamatay na ako.”
Sinabi sa kanya ng Diyos: “Dapat ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?”
Sumagot siya: “Oo, nagagalit ako. Ibig ko nang mamatay.”
Sinabi ng Panginoon: “Tumubo ang halamang iyon, lumago sa loob ng magdamag, at namatay kinabukasan. Wala kang hirap diyan ngunit nalungkot ka nang iya’y mamatay. Ako pa kaya ang hindi malulungkot sa kalagayan ng Ninive? Ito’y isang malaking lungsod na tinitirhan ng mahigit na sandaa’t dalawampunlibong katao na pawang walang malay, bukod pa sa makapal na hayop!”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 85, 3-4. 5-6. 9-10
Poong banayad magalit,
wagas ang iyong pag-ibig.
Ikaw ang aking Diyos, ako’y kahabagan,
sa buong maghapo’y siyang tinatawagan.
Poon, ang lingkod mo’y dulutan ng galak,
sapagkat sa iyo ako tumatawag.
Poong banayad magalit,
wagas ang iyong pag-ibig.
Mapagpatawad ka at napakabuti;
sa dumadalangin at sa nagsisisi,
ang iyong pag-ibig ay mananatili.
Pakinggan mo, Poon, ang aking dalangin,
tulungan mo ako, ako’y iyong dinggin.
Poong banayad magalit,
wagas ang iyong pag-ibig.
Ang lahat ng bansa na iyong nilalang,
lalapit sa iyo’t magbibigay galang;
sila’y magpupuri sa ‘yong kabutihan.
Pagkat ikaw lamang ang Diyos na Dakila
na anumang gawin ay kahanga-hanga!
Poong banayad magalit,
wagas ang iyong pag-ibig.
ALELUYA
Roma 8, 15bk
Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng Diyos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D’yos Ama ay matawag.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 1-4
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang pangalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Manalangin tayo sa Amang nasa Langit na mayroong ganap na pananalig sa kanya.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, bigyan mo kami ng makakakain sa araw-araw.
Ang Simbahan sa buong daigdig nawa’y magpahayag ng malalim na pananalig sa pagdating ng Kaharian ng pag-ibig, katarungan, at kapayapaan ng Ama, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, nawa’y patuloy tayong nagdarasal at hindi magpadaig sa anumang tukso, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y magkaroon ng sapat na makakain sa araw-araw na pangangailangan at magkaroon ng dakilang puso upang patawarin ang ating mga kaaway, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at ang mga nakararanas ng paghihirap sa buhay nawa’y matulungan ng kanilang kapwa sa pagpapasan ng kanilang krus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makita ang Panginoon nang harapan sa kanyang walang hanggang tahanan sa paraiso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pinasasalamatan ka namin sa iyong pakikinig sa aming mga panalangin. Tulungan ninyo kaming manalig palagi sa iyong pagmamahal at tanggapin ang iyong kalooban sa aming buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.