3,281 total views
Paggunita kay San Francisco de Asis
Nehemias 2, 1-8
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Lucas 9, 57-62
Memorial of St. Francis of Assisi (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Nehemias 2, 1-8
Pagbasa mula sa aklat ni Nehemias
Noong panahong iyon, ako ang namamahala sa mga inumin ng hari. Isang araw, buwan ng Nisan, ikadalawampung taon ng paghahari ni Artajerjes, dinulutan ko siya ng kanyang inuming alak. Napansin niyang ako’y malungkot. Noon lamang niya ako nakitang gayun. Tinanog niya ako, “Bakit ka nalulungkot? Tingin ko sa iyo’y wala kang sakit, bakit ka ganyan?
Sinidlang ako ng takot. Gayunma’y sinabi ko sa hari, “Nawa’y ingatan kayo ng Diyos, habang panahon! Nalulungkot po ako sapagkat ang lungsod na pinaglibingan ng aking mga ninuno ay wasak at sunog ang mga pintuan.”
“O, ano ngayon ang ibig mo?” tanong ng hari.
Tumawag ako sa Diyos, at pagkatapos sinabi ko sa hari, “Kung pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda upang itayong muli ang binaggit kong lungsod.”
Sinabi sa akin ng hari na noo’y katabi ng reyna, “Gaanong katagal ka roon? Kailan ka babalik?” Nagtaning ako ng panahon at malugod naman akong pinahintulutan. Nakiusap akong bigyan din ng mga liham para sa mga gobernador sa ibayo ng ilog upang paraanin ako patungong Juda. Sa aking pakiusap ay gumawa na rin siya ng sulat para kay Asaf, ang tagapamahala ng kagubatan upang bigyan ako ng kahoy na gagamitin sa pintuan ng muog ng templo, ng pader ng lungsod at ng tahanang aking titirhan. Ang lahat ng ito ay ginawa ng hari dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 136, 1-2. 3. 4-5. 6
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami roo’y nakaupong tumatangis, sa tuwinang
ang iniwan naming Sion ay aming maalaala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Sion, yaong paksa, ninyong nais nilang awit.
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Pa’no namin aawitin, ang awit ng Panginoon,
samantalang bihag kaming nangingibang bayan noon?
Ayaw ko nang ang lira ko’y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem.
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
Di na ako aawit pa, kung ang lundong sasapitin
sa isip ko’t alaala, ika’y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan mo ay hindi ko hahangarin.
Kung ika’y aking limutin,
wala na ‘kong aawitin.
ALELUYA
Filipos 3, 8-9
Aleluya! Aleluya!
Tana’y aking tatalikdan
upang si Kristo’y makamtan
bilang tanging pakinabang.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 57-62
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang naglalakad sina Hesus at ang kanyang mga alagad, may taong nagsabi kay Hesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Hesus, “May lungga ang asong-gubat at may pugad ang ibon, ngunit ang Anak ng Tao’y wala man lamang matulugan o mapagpahingahan.” Sinabi ni Hesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan po muna ninyo akong umuwi upang ipalibing ang akin ama.” Sinabi ni Hesus sa kanya, “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay. Ngunit ikaw, humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” Sinabi naman ng isa, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit magpapaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Iniluluhog natin sa Diyos Ama ang ating mga pangangailangan dahil tinawag tayo ng kanyang Anak na si Jesus upang sundan siya. Manalangin tayo nang may pananalig para sa biyaya na tanggapin ang pagtawag na ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin Mo kaming ganap kay Kristo.
Ang mga pinuno ng Simbahan at lahat ng nagpapahayag ng Salita ng Diyos nawa’y masigasig na magpatuloy sa kanilang pagsunod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating komunidad nawa’y mapanibago sa araw-araw sa pamamagitan ng pananampalataya sa Salita ng Diyos na tumatawag sa atin sa mas maganda at mabuting buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nawalan na ng pag-asa dahil sa mga kasalanan nawa’y mapagtanto na kasama nating naglalakbay ang ating Panginoon at tinutulungan tayo sa pagpasan ng ating krus, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga pinahina ng karamdaman o pagkakasakit nawa’y mabigyang lakas-loob ng kasiyahang mula sa Diyos sa pamamagitan ng kalinga at pag-aaruga ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao na sumunod kay Jesus sa buhay na ito nawa’y makapasok sa walang hanggang presensya ng Diyos sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa langit, sa aming pagnanais na sumunod sa yapak ng iyong Anak, gawin mo kaming iisa sa isip at puso sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.