9,396 total views
Miyerkules ng Abo
Joel 2, 12-18
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Mateo 6, 1-6. 16-18
Ash Wednesday (Violet)
UNANG PAGBASA
Joel 2, 12-18
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel
Sinasabi ngayon ng Panginoon:
“Mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin,
kayo’y mag-ayuno, managis at magdalamhati.
Magsisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang-tao lamang.”
Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos.
Siya’y may magandang-loob at puspos ng awa,
mapagpahinuhod at tapat sa kanyang pangako;
laging handang magpatawad at hindi magpaparusa.
Maaaring lingapin kayo ng Panginoon at bigyan ng masaganang ani.
Kung magkagayon, mahahandugan natin siya ng haing butil at alak.
Ang trumpeta ay hipan ninyo, sa ibabaw ng Bundok ng Sion;
iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat,
tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda’t bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
Mga saserdote, kayo’y tumayo sa pagitan ng pasukan at ng dambana,
manangis kayo’t manalangin nang ganito:
“Mahabag ka sa iyong bayan, O Panginoon.
Huwag mong tulutang kami’y hamaki’t pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin,
‘Nasaan ang inyong Diyos?’”
Pagkaraan, ipinamalas ng Panginoon na siya’y nagmamalasakit sa kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4, 5-6a. 12-13. 14 at 17
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
IKALAWANG PAGBASA
2 Corinto 5, 20 – 6, 2
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ako’y sugo ni Kristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Kristo, ngunit dahil sa atin, siya’y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.
Yamang kami’y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya:
“Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.”
Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas!
Ang Salita ng Diyos.
AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab
Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.
MABUTING BALITA
Mateo 6, 1-6. 16-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Pag-ingatan ninyo na huwag maging pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Amang nasa langit.
“Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipagmakaingay ito, katulad ng ginagawa ng mga mapagpaimbabaw doon sa sinagoga at sa mga lansangan. Ginagawa nila ito upang purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kung naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito kahit sa iyong pinakamatalik na kaibigan upang malihim ang iyong paglilimos. At gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“At kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagpaimbabaw. Mahilig silang manalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga panulukang-daan, upang makita ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Amang hindi mo nakikita, at gagantihin ka ng iyong Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim.
“Kapag nag-aayuno kayo, huwag kayong magmukhang malungkot, tulad ng mga mapagpaimbabaw. Hindi sila nag-aayos upang malaman ng mga tao na sila’y nag-aayuno. Sinasabi ko sa inyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Kapag ikaw ay nag-aayuno, mag-ayos ka ng buhok at maghilamos upang huwag mapansin ng mga tao na nag-aayuno ka. Ang iyong Amang hindi mo nakikita ang siya lamang nakaaalam nito. Siya, na nakakikita ng kabutihang ginagawa mo ng lihim, ang gaganti sa iyo.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Miyerkules ng Abo
Sa pagsisimula natin ng Panahon ng Kuwaresma, alalahanin natin ang ating mga pagkukulang, ang karahasan ng tukso, at ang pangangailangan natin ng tulong ng Diyos.
Baguhin Mo ang aming puso, O Panginoon!
Nawa’y ang Simbahan ay walang takot na manawagan sa lahat para sa pagbabalik-loob at mag-akay sa kanila sa pamamagitan ng kanyang halimbawa, manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng ating mga pinuno sa bayan at sa simbahan ay magdulot ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob, kalinisan, at katapatan, manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng mga magulang, guro, at katekista ay makapag-punla sa kabataan ng katapatan sa tungkulin ayon sa motibong matuwid at marangal at hindi para mapuri ng balana, manalangin tayo!
Nawa’y lahat ng nang-aapi sa kapwa sa pamamagitan ng kanilang kapusukan, kasakiman, at kalupitan ay magtigil na sa kanilang masasamang gawi at matutong gumalang at magmahal sa kanilang kapwa, manalangin tayo!
Nawa’y lahat tayo’y magsimula sa Kuwaresmang ito tigib ng kababaang-loob, pagsisisi sa ating mga kasalanan, at kapasiyahang magbagong-buhay, manalangin tayo!
Panginoong Diyos, sa Iyo’y dumudulog kaming nagsisisi sa aming mga kasalanan at tapat na naghahangad ng pagbabago sa puso at isipan. Nawa ang aming buhay ay tuwinang maging pagbibigay-puri sa Iyo. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen!