5,755 total views
Miyerkules sa Unang Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Jonas 3, 1-10
Salmo 50, 3-4. 12-13. 18-19
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
Lucas 11, 29-32
Wednesday of the First Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Jonas 3, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas
Sinabi uli ng Panginoon kay Jonas: “Pumunta ka sa Lungsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lungsod na ito. Aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas. Siya’y pumasok sa lungsod.
Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
Nang mabalitaan ito ng hari ng Ninive, bumaba siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit din ng sako, at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Ninive: “Ito’y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang kakain isa man. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng sako. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at talikdan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito’y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasiya at hindi na ituloy ang balak na paglipol sa atin.”
Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 12-13. 18-19
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Hugasan mo sana ang aking karumhan
dalisayin mo ang aking kasalanan!
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
D’yos ko, iyong tinatanggap
pakumbaba’t pusong tapat.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Joel 2, 12-13
Magsisi tayong mataos,
halinang magbalik-loob
sa mapagpatawad na D’yos;
sa kanya tayo’y dumulog
at manumbalik na lubos.
MABUTING BALITA
Lucas 11, 29-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang dumaragsa ang mga tao, sinabi ni Hesus, “Napakasama ng lahing ito! Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas. Kung paanong naging isang palatandaan si Jonas sa mga taga-Ninive, gayun din naman, magiging isang palatandaan sa lahing ito ang Anak ng Tao. Sa Araw ng Paghuhukom, titindig ang Reyna ng Timog laban sa lahing ito at sila’y hahatulan niya ng kaparusahan. Sapagkat nanggaling siya sa dulo ng daigdig upang pakinggan ang karunungan ni Solomon; ngunit higit na di-hamak kay Solomon ang naririto! Sa Araw ng Paghuhukom ay titindig ang mga taga-Ninive laban sa lahing ito at hahatulan ng kaparusahan, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas; ngunit higit na di-hamak kay Jonas ang naririto!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Kuwaresma
Miyerkules
Natuklasan ni Jonas na hindi maaaring takasan ang Panginoon. Tumawag tayo ngayon sa Diyos Ama upang hingin ang biyaya ng pagbabagumbuhay at matatag na pagtitiwala sa panawagan ni Kristo na magsisi sa kasalanan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama naming lahat, turuan Mo kami ng tunay na pagsisisi.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y maging puspusan sa kanilang pangangaral ng mensahe ng Diyos tungkol sa pagsisisi sa kasalanan sa mga naghahanap sa Panginoon nang buong puso, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang panahong ito nawa’y maging pagkakataon ng pagbabago at pagbabalik-loob sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad ng mga mamamayan ng Ninive nawa’y itakwil natin ang masasamang gawi at lumapit sa Diyos nang may kababaang-loob at pagsisisi, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makadama ng kapanatagan at pagmamahal mula sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kapayapaan at kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama namin, ibinigay mo ang simbolo ni Jonas bilang pahiwatig sa pagdating ng iyong anak. Kung paanong simula sa kawalang hanggan ay niloob mo ang kanyang Muling Pagkabuhay, isama mo kami sa kanya magpakailanman. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.