8,844 total views
Miyerkules ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Hari 10, 1-10
Salmo 36, 5-6. 30-31. 39-40
Madiwa kapag nangusap
ang mga mat’wid at ganap.
Marcos 7, 14-23
Wednesday of the Fifth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
1 Hari 10, 1-10
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, nakarating sa pandinig ng reyna ng Seba ang mga balita tungkol kay Solomon. Kaya’t nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng malalim na katanungan. Dumating nga siya sa Jerusalem, na may kasamang maraming abay at may dalang katakut-takot na kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba’t ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na niya si Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. Sinagot naman ni Solomon ang lahat niyang tanong – at wala isa mang hindi nito naipaliwanag. Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga pinuno at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuutan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita.
Kaya’t sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang lahat nang narinig ko tungkol sa inyo. Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong makita ko ang lahat, ay napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa iniulat nila sa akin. Mapalad ang inyong mga asawa! Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! Purihin ang Panginoon, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at nagpaluklok sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ng Panginoon sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.”
At ang hari’y binigyan niya ng halos limang toneladang ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma’y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 36, 5-6. 30-31. 39-40
Madiwa kapag nangusap
ang mga mat’wid at ganap.
Ang iyong sarili’y sa Diyos mo ilagak,
pag nagtiwala ka’y tutulungang ganap;
ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
Madiwa kapag nangusap
ang mga mat’wid at ganap.
Ang mga mat’wid, madiwang mangusap
at ang sinasabi nila’y pawang tumpak.
Ang utos ng Diyos ang nasasa puso,
sa utos na ito’y hindi lumalayo.
Madiwa kapag nangusap
ang mga mat’wid at ganap.
Ililigtas ng Diyos ang mga matuwid,
iingatan sila pag naliligalig.
Ililigtas sila’t kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat sa Poon nangungubling tunay.
Madiwa kapag nangusap
ang mga mat’wid at ganap.
ALELUYA
Juan 17, 17b. a
Aleluya! Aleluya!
Amang D’yos ni Hesukristo,
ang salita mo’y totoo
kami ay pabanalin mo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 14-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling pinalapit ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat, at unawain ang aking sasabihin! Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya. Ang may pandinig ay makinig.”
Iniwan ni Hesus ang mga tao; at nang makapasok na sa bahay, siya’y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. “Kayo man ba’y wala ring pang-unawa?” tugon ni Hesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya, sapagkat hindi naman pumapasok iyon sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa pagsasabi nito’y para nang ipinahayag ni Hesus na maaaring kanin ang lahat ng pagkain. Nagpatuloy siya sa pagsasalita: “Ang lumalabas mula sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos. Sapagkat sa loob – sa puso ng tao – nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya na makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, at gumawa ng lahat ng kabuktutan, tulad ng pagdaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng ito’y nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Para sa mga Kristiyano, wala nang iba pang batas maliban sa batas ng pag-ibig. Manalangin tayo para sa ating katapatan sa batas na ito at walang pag-aalinlangang pagsasabuhay ng ating relihiyon.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, dalisayin Mo ang aming mga puso.
Ang ating Simbahan nawa’y laging mapanibago at dalisayin ng salita ng Ebanghelyo ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magdulot ng pag-asa sa mga nanghihina ang kalooban sa pamamagitan ng ating pagmamahal kaysa pawang mga pampalubog na loob na salita lamang, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga puso nawa’y mapuno ng tapat na pagnanais na mabuhay para sa bawat isa upang sumamba tayong lahat sa espiritu at katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at naghihingalo nawa’y makatagpo ng kaginhawahan ng pag-ibig at habag ng Ama, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong mahal sa buhay nawa’y makasama sa kalipunan ng tunay na pagsamba sa kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, gawin mong dalisay ang aming mga puso upang hindi kami mawalay sa aming mithiing mahalin ka nang higit sa lahat. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.