3,527 total views
Sabado ng Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Ruth 2, 1-3. 8-11; 4, 13-17
Salmo 127, 1-2. 3. 4. 5
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Mateo 23, 1-12
Saturday of the Twentieth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Ruth 2, 1-3. 8-11; 4, 13-17
Pagbasa mula sa aklat ni Ruth
Si Elimelec, ang nasirang asawa ni Noemi, ay may isang kamag-anak na ang pangala’y Booz. Mayaman ito at makapangyarihan. Isang araw, sinabi ni Ruth kay Noemi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.”
Sumagot si Noemi, “Ikaw ang bahala, anak.” Kaya’t si Ruth ay nagtungo sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Ang napuntahan niya ay bukid ni Booz.
Nilapitan ni Booz si Ruth at kinausap: “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang babawalan.”
Yumukod si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at ang wika: “Napakabuti ninyo sa akin, gayong ako’y dayuhan lamang.”
Sumagot si Booz: “Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang makipamayan sa isang lugar na wala kang kakilala.”
Napangasawa nga ni Booz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Sa kapanahunan, pinagkalooban sila ng Panginoon ng isang anak na lalaki. Si Noemi ay binati ng kababaihan: “Purihin ang Panginoon! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at maging gabay sa iyong katandaan. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” Kinuha ni Noemi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. Siya’y tinawag nilang Obed. Balana’y sinabihan nilang nagkaapo ng lalaki si Noemi. Si Obed ang ama ni Jesse na ama ni David.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4. 5
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
S’ya’y laging pagpapalain
kung ang Poon ay susundin.
ALELUYA
Mateo 23, 9b. 10b
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y may iisang Ama,
at guro nati’y iisa:
Si Kristo na Anak niya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 23, 1-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang-bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyo tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpakakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Mayroon tayong isang Ama sa Langit at isang Guro, ang kanyang bugtong na Anak. Lumapit tayo sa Ama at ipanalangin ang lahat ng kanyang mga anak sa lupa.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Basbasan mo kami, aming nag-iisang Ama.
Ang mga tinawag sa ministri ng orden nawa’y maging tapat at matiyaga sa kanilang banal na tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magulang at mga guro nawa’y maituro sa mga kabataang nasa kanilang pangangalaga ang mabuting halimbawa ng kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos nawa’y maging gabay natin sa ating mga kilos at nawa’y lagi nating asamin na gumawa nang mabuti, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, nalulumbay, at mga maysakit nawa’y tingnan natin nang may habag, at pagaanin ang kanilang pagdurusa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang kapahingahan at bagong buhay sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, dinadala namin sa iyong harapan ang mga pangangailangan ng mga nakakakilala sa iyo at yaong mga hindi pa nakaririnig ng iyong pangalan. Ipagkaloob mo ang aming mga kahilingan sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.