7,244 total views
Sabado ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Fabian, papa at martir
o kaya Paggunita kay San Sebastian, martir
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
1 Samuel 1, 1-4. 11-12. 19. 23-27
Salmo 79, 2-3. 5-7
Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Marcos 3, 20-21
Saturday of the Second Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Fabian, Pope and Martyr (Red)
or Optional Memorial of St. Sebastian, Martyr (Red)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 1, 1-4. 11-12. 19. 23-27
Ang simula ng ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, nang magbalik si David buhat sa matagumpay na pakikidigma laban sa mga Amalecita, tumigil siya ng dalawang araw sa Siclag. Tatlong araw pagkamatay ni Saul, dumating buhat sa labanan ang isang lalaking punit ang kasuutan at puno ng alikabok ang ulo. Lumapit ito kay David at nagpatirapa bilang pagbibigay-galang.
“Saan ka nagbuhat?” tanong ni David.
“Tumakas po ako sa hukbo ng Israel,” tugon ng lalaki.
“Bakit? Ano ba ang nangyari?” tanong ni David.
“Napaurong po sa labanan ang hukbo at maraming mga kawal ang napatay. Napatay rin po ang mag-amang Saul at Jonatan,” tugon ng lalaki.
Winarak ni David ang kanyang kasuutan bilang tanda ng kalungkutan sa nangyari; gayon din ang ginawa ng mga naroon. Dinagukan nila ang kanilang dibdib at sila’y nanangis. Nag-ayuno sila at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ng Panginoon sa bansang Israel ay nasawi sa labanan.
At sinabi ni David:
“Karangalan ng Israel sa burol ay niyurakan,
nang ang iyong mga lingkod ay masawi sa labanan.”
“Si Saul at Jonatan ay uliran na mag-ama,
sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama;
bilis nila ay di hamak mabilis pa sa agila,
mahigit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila.”
“Kayong mga anak ng Israel, ang babae’y magsitangis,
sa pagpanaw niyong Saul na sa inyo’y nagparamit
ng magandang kasuutang may hiyas na nakakabit.”
“Ang kawal ay masdan ninyo kung bumagsak sa labanan,
ganyan napansin sa burol, nang bumagsak si Jonatan.”
“Dahilan sa pagpanaw mo, ngayon ako’y nagluluksa,
pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo’y humahanga;
ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira,
mahigpit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya.”
“Sa larangan ng labana’y nabuwal ang mga kawal,
ang sandatang taglay nila ay wala nang kabuluhan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2-3. 5-7
Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Pastol ng Israel,
ikaw na nanguna’t umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig
iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Makapangyarihang Diyos,
hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami
sa tuwina-tuwina’y tinapay ng luha yaong inumin.
Iyong binayaan,
na ang mga bansa sa aming paligid kami ay bakahin,
iyong tinulutang kami’y pagtawanan ng kaaway namin.
Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 20-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang kunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, “Nasisiraan siya ng bait!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Manalangin tayo sa Ama sa Langit upang matutunan natin sa kanyang Anak na si Jesu-Kristo ang kahulugan ng paglilingkod.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, turuan Mo kami sa pamamaraan ni Jesus.
Bilang isang Simbahan nawa’y lumabas tayo sa lungga ng ating sariling daigdig at maglingkod sa tao nang may pagpapakumbaba, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga taong naglilingkod sa bayan nawa’y ibigay nila ang pinakamabuti at pinakamagaling na pagsisilbi sa mga tao at hindi paglingkuran ang kanilang pansariling kapakanan at interes, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga naglilingkod sa atin sa iba’t ibang pamamaraan nawa’y maipakita nating lahat ang ating pasasalamat, manalangin tayo sa Panginoon.
Katulad ni Maria, tayong lahat nawa’y nakatuon at mulat sa pangangailangan ng kapwa at hindi sa ating makasariling kaginhawahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at matatanda nawa’y makatagpo ng kalinga at paggalang mula sa kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon naming Diyos, hindi madali sa amin ang tumulong sa iba lalo na kung magdudulot ito sa amin ng hindi kaginhawahan. Matuto nawa kami mula kay Jesus na laging handang tumulong sa nangangailangan at bigyan mo kami ng lakas na gawin ito. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.