3,290 total views
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena
Awit ni Solomon 3, 1-4a
o kaya 2 Corinto 5, 14-17
Salmo 62, 2, 3-4, 5-6, 8-9
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Juan 20, 1-2. 11-18
Feast of Saint Mary Magdalene (White)
UNANG PAGBASA
Awit ni Solomon 3, 1-4a
Pagbasa mula sa Awit ni Solomon
Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko’y hinahanap,
ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap.
Akong ito’y bumabangon, sa lungsod ay naglalakad,
ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad;
ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag.
Sa akin ngang paglalakad, nakita ko’y mga bantay
nagmamanman, naglilibot sa paligid, sa lansangan.
Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?”
Nang kami ay maghiwalay ng nasabing mga tanod,
Bigla na lang na nakita ang mahal kong iniirog.
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
2 Corinto 5, 14-17
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, ang pag-ibig ni Kristo ang nag-uudyok sa aking magkaganyan, ngayong malaman kong siya’y namatay para sa lahat at dahil diyan, ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Kristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
Kaya ngayon, ang pagtingin namin kaninuman ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una’y gayun ang aming pagkakilala kay Kristo, ngunit ngayo’y hindi na. Kaya’t ang sinumang nakipag-isa kay Kristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya’y bago na.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 62, 2, 3-4, 5-6, 8-9
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad;
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal,
ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan.
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay.
Kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang pag-uukulan.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat.
At ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas.
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan,
magagalak na umawit ng papuring iaalay.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit,
sa lilim ng iyong pakpak galak akong umaawit.
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak,
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak.
Aking kinasasabikan,
Panginoon, ikaw lamang.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Ipahayag mo, Maria,
na si Kristo’y nabuhay na
libingan nya’y ‘yong nakita.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 20, 1-2. 11-18
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!”
Si Maria’y nakatayong umiiyak sa labas ng libingan; yumuko siya at tumingin sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Hesus, ang isa’y sa gawing ulunan at ang isa nama’y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Ale, bakit kayo umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha po nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila dinala.” Lumingon siya pagkasabi nito, at nakita niya si Hesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Hesus iyon. Tinanong siya ni Hesus, “Bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria’y siya ang tagapag-alaga ng halamanan, kaya’t sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, ituro ninyo sa akin kung saan ninyo dinala at kukunin ko.” “Maria!” ani Hesus. Humarap siya at kanyang sinabi, “Raboni!” — ibig sabihi’y “Guro.” “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakapupunta sa Ama,” wika ni Hesus. “Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mong aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya’t si Maria Magdalena’y pumunta sa mga alagad at sinabi, “Nakita ko ang Panginoon!” At tuloy sinabi sa kanila ang bilin ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Hulyo 22
Santa Maria Magdalena
Naranasan ni Maria Magdalena ang kagalakan ng pagtatagpo nila ni Jesus sa Muling Pagkabuhay nito. Nawa, ang maluwalhating pangyayaring ito ay maghatid ng kahulugan at pagbabago sa buhay natin at ating sabihin:
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Jesus, maging mapagpala ka sa amin, Ama.
Ang Simbahan ng Diyos nawa’y magpanibago kay Kristong Muling Nabuhay at ihatid ang kanyang mensahe ng pag-asa at pag-ibig sa buong mundo, manalingin tayo sa Panginoon.
Ang pamayanan ng mga mananampalataya nawa’y magpatotoo sa Muling Pagkabuhay ni Kristo sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at patuloy na pagtalikod sa kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nasa madilim na libingan ng kasalanan nawa’y makatagpo kay Jesus ng lakas at sigla sa pagbangon sa isang buhay ng katapatan sa Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nasisiraan ng loob dahil sa mga waring walang katapusang mga paghihirap nawa’y makatagpo sa Muling Pagkabuhay ng tapang na ipagpatuloy ang kanilang paghahanap ng higit na mabuting buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga lumisan na sa buhay na ito nawa’y mapatawad sa kanilang mga kasalanan ni Jesus na aming Manunubos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, tanggapin nawa namin ang Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay ni Kristo at ang aming buhay sa hinaharap sa piling mo. Hinihiling naming ipagkaloob mo na maranasan namin ang bunga ng kanyang Muling Pagkabuhay sa aming sariling buhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.