4,578 total views
Sabado ng Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay Santa Maria Goretti, dalaga at martir
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Amos 9, 11-15
Salmo 84, 9. 11-12. 13-14
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Mateo 9, 14-17
Saturday of the Thirteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Maria Goretti, Virgin and Martyr (Red)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Amos 9, 11-15
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Amos
Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Sa araw na yao’y ibabangon kong muli ang sambahayan ni David at aayusing tulad ng isang bahay na nawasak. Itatayo kong muli iyon, kagaya noong araw. Sa gayun, sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom at lahat ng bansang dati’y akin.”
“Darating ang panahon,” sabi ng Panginoon,
“na mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas at gagawa pa rin ng alak ang mag-aalak
kahit nagsisimula pa lamang na maghasik ng binhi ang manghahasik.
Dadaloy sa mga bundok ang matamis na alak at aagos nang sagana sa mga burol.
Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan.
Itatayo nilang muli ang kanilang mga lungsod na nawasak at doon sila maninirahan,
tatamnan nilang muli ang mga ubasan at iinom ng alak;
magtatanim sila uli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon.
Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanila at hindi na sila maaalis pang muli roon.”
Ang Panginoon na inyong Diyos ang nagsalita.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 84, 9. 11-12. 13-14
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad,
ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay,
ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan,
magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Ang Poo’y nagsasalita
na bayan n’ya’y papayapa.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 14-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, lumapit kay Hesus ang mga alagad ni Juan Bautista at ang wika, “Malimit kaming mag-ayuno, gayun din ang mga Pariseo. Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad?” Sumagot siya, “Maaari bang magdalamhati ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na siya, saka pa lamang sila mag-aayuno.
“Walang nagtatagpi ng bagong kayo sa isang lumang kasuutan; sapagkat mababatak nito ang tinagpian, at lalong lalaki ang punit. Wala ring nagsisilid ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag gayun ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip ay isinisilid ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat, at sa gayo’y kapwa nagtatagal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Manalangin tayo sa ating Diyos Ama upang mailapit niya tayo sa kahalagahan ng Ebanghelyo at mapanibago ang Simbahan at ang sandaigdigan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng hapag, basbasan Mo kami.
Ang Simbahan, ang sambayanan ng Diyos, at ang mga pinuno nito nawa’y makasunod sa bulong ng Espiritu Santo na ipahayag sa mga tao ng makabagong panahon ang walang kupas na lengguwahe ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating puso nawa’y buksan natin sa makapangyarihang pagliligtas ng Diyos kay Kristo na higit na mas mahalaga kaysa sa pagsasagawa ng mga sinaunang relihiyosong gawain, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapagtanto na laging mangyayari ang himala ng pagbabago sa mga nagnanais na makamit ito sa tulong ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit, tayo nawa’y maging mga daan ng kalinga ng Diyos sa ating pagpapadama sa kanila ng pag-ibig at malasakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y tumanggap ng walang hanggang kapahingahan sa piling ni Kristong Muling Nabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pakinggan mo ang aming mga panalangin at turuan mo kami ng pamamaraan upang mamuhay bilang iyong bagong bayan na pinalaya sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.