12,774 total views
Sabado sa Ika-2 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Mikas 7, 14-15. 18-20
Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Lucas 15, 1-3. 11-32
Saturday of the Second Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Mikas 7, 14-15. 18-20
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Mikas
Patnubayan mo ang iyong bayan, Panginoon, ang bayan na iyong hinirang. Nag-iisa siya sa gitna ng matabang lupain. Bayaan mo silang manirahan sa magandang pastulan ng Basan at Galaad.
Magpakita ka sa amin ng mga kababalaghan tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan. Wala nang ibang Diyos na tulad mo. Pinatatawad mo ang mga kasalanan ng nalabi sa bayan mong hinirang. Hindi ka nagkikimkim ng galit. Sa halip ay pinadarama mo sa kanila ang tapat mong pagmamahal. Muli kang mahahabag sa amin, lilimutin mo ang mga pagkakasala namin at ihahagis sa kalaliman ng dagat. Ipamamalas mo ang iyong katapatan sa Israel at ang walang maliw na pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga magulang mula pa nang unang panahon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 1-2. 3-4. 9-10. 11-12
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Panginoo’y papurihan, purihin mo, kaluluwa,
ang pangalan niyang banal purihin mo sa tuwina.
Ikaw, aking kaluluwa, ang Diyos ay papurihan,
at huwag mong lilimutin yaong kanyang kabutihan.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Ang lahat kong kasalana’y siya ang nagpapatawad,
ang anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.
Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya’t habag.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di natayo siningil sa nagawang kasalanan.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
Ang agwat ng lupa’t langit, sukatin ma’y hindi kaya,
gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya.
Ang silangan at kanluran kung gaano ang distansya
gayung-gayon ang pagtingin sa sinumang nagkasala.
Ang ating mahabaging D’yos
ay nagmamagandang-loob.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 15, 18
Babalik ako sa ama,
at aamunin ko siya,
sasabihin ko sa kanya:
“Ako po ay nagkasala
sa D’yos at sa ‘yong pagsinta.”
MABUTING BALITA
Lucas 15, 1-3. 11-32
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila: “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito:
“Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. Ang wika ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At binahagi sa kanila ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang ari-arian at nagtungo sa malayong lupain, taglay ang buo niyang kayamanan, at doo’y nilustay na lahat sa di wastong pamumuhay. Nang malustay na niya ang kanyang kayamanan, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing yaon, at nagdalita siya. Kaya’t namasukan siya sa isang mamamayan ng lupaing yaon. Siya’y pinapunta nito sa bukid upang mag-alaga ng baboy. Ibig sana niyang punan ang kanyang pagkain kahit ng mga bungang-kahoy na ipinakakain sa mga baboy ngunit walang magbigay sa kanya. Nang mapag-isip-isip niya ang kanyang ginawa, nasabi niya sa sarili, ‘Ang mga alila ng aking ama ay may sapat na pagkain – at lumalabis pa – samantalang ako’y namamatay ng gutom dito! Babalik ako sa kanya, at sasabihin ko, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”, At tumindig siya at pumaroon sa kanyang ama.
“Malayo pa’y natanawan na siya ng ama at ito’y labis na nahabag sa kanya, kaya’t patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinagkan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawagin ninyong anak.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Dalhin ninyo rito ang pinakamahusay na damit at isuot sa kanya. Suutan siya ng singsing at panyapak. Kunin ang pinatabang guya at patayain; kumain tayo at magsaya! Sapagkat namatay na ang anak kong ito; ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’ At sila’y nagsaya.
“Nasa bukid noon ang anak na panganay. Umuwi siya, at nang malapit na sa bahay ay narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alila at tinanong: ‘Bakit? May ano sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ tugon ng alila. ‘Ipinapatay ng inyong ama ang pinatabang guya, sapagkat nagbalik siyang buhay at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw itong pumasok sa bahay. Kaya’t lumabas ang kanyang ama at inamu-amo siya. Ngunit sinabi nito, ‘Pinaglingkuran ko po kayo sa loob ng maraming taon, at kailanma’y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa’y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang bisirong kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong lumustay ng inyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling. Ang lahat ng ari-arian ko’y sa iyo. Ngunit dapat tayong magsaya at magalak, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit muling nabuhay; nawala, ngunit nasumpungan.’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Kuwaresma
Sabado
Ang Talinhaga ng Waldas na Anak ay nagpapahayag sa isang payak subalit malalim na paraan ng katotohanan ng pagbabagong-loob – ang nagagawa ng pag-ibig at habag sa ating mundo. Pinakikilos tayo nito upang agad na lumapit sa Ama sa panalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, ibaling Mo ang aming mga puso sa Iyo.
Sa paggabay ng Santo Papa at ng mga obispo, tuwina ay malugod na tanggapin nawa ng ating kaparian ang mga nagsisisi at naghahangad na makipagkasundo sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Tulad ng waldas na ama nawa’y maging bukas-palad tayo sa pagpapatawad sa mga nakasakit o bumigo sa amin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kasapi ng pamilya na may alitan sa isa’t isa nawa’y mas piliin ang magpatawad at makipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga makasalanan nawa’y mapukaw ang loob na magsisi at hingin ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa Sakramento ng Kumpisal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makarating sa kanialng walang hanggang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na makapangyarihan, malugod mo nawang tanggapin ang mga panalangin ng mga makasalanang matapat na nagbabalik sa iyong pag-ibig at habag na hindi nagmamaliw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen.