11,317 total views
Sabado sa Ika-3 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda
Oseas 6, 1-6
Salmo 50, 3-4. 18-19. 20-21ab
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
Lucas 18, 9-14
Saturday of the Third Week of Lent (Violet)
UNANG PAGBASA
Oseas 6, 1-6
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Halikayo at tayo’y manumbalik sa Panginoon pagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling. Siya ang nanugat, kaya siya rin ang gagamot. Sa loob ng dalawang araw ay mapalalakas niya tayo uli. At sa ikatlong araw, tayo’y kanyang ibabangon, upang mamuhay sa kanyang pagtangkilik. Halikayo, sikapin nating makilala ang Panginoon; tiyak na tutugunin tayo sa ating panawagan. Sintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala, tulad ng patak ng ulan na dumidilig sa kaparangan.
Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga, gaya ng hamog na dagling napapawi. Kaya nga, ipahahampas ko kayo sa aking mga propeta, lilipulin ko kayo sa pamamagitan ng aking mga salita, at simbilis ng kidlat ang pagkatupad ng aking hatol. Sapagkat katapatan ang nais ko at hindi hain, at pagkakilala sa Diyos sa halip ng handog na susunugin.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 18-19. 20-21ab
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
Hindi mo na nais ang mga panghandog;
sa haing sinunog di ka nalulugod.
Ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat
ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
Iyong kahabagan, O Diyos, ang Sion;
yaong Jerusalem ay muling ibangon.
At kung magkagayon, ang handog na haing
dala sa dambana, torong susunugin,
malugod na ito’y iyong tatanggapin.
Katapatan ang naisin
kalakip ng paghahain.
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Salmo 94, 8ab
Kapag ngayo’y napakinggan
ang tinig ng Poong mahal,
huwag na ninyong hadlangan
ang pagsasakatuparan
ng mithi n’ya’t kalooban.
MABUTING BALITA
Lucas 18, 9-14
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus ang talinghagang ito sa mga taong ang tingin sa sarili’y matuwid at humahamak naman sa iba. “May dalawang lalaking pumanhik sa templo upang manalangin: ang isa’y Pariseo at ang isa nama’y publikano. Tumindig ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga magdaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinikita.’ Samantala, ang publikano’y nakatayo sa malayo, hindi man lamang makatingin sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, at sinasabi: ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo: ang lalaking ito’y umuwing kinalulugdan ng Diyos, ngunit hindi ang isa. Sapagkat ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Kuwaresma
Sabado
Taglay ang mga pusong nagsisisi at nagpapakumbaba, humaharap tayo ngayon sa Diyos. Tumugon tayo ng tapat at nagpapakaabang panalangin sa mga kahilingang ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Padaluyin Mo sa amin ang iyong habag, O Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y maging isang tiyak na kanlungan para sa mga makasalanan at mga itinatakwil ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y magbigay ng higit na malasakit sa mga kababaihan, mga bata, mga ulila, mga matatanda, at mga walang tahanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mananampalataya nawa’y magkaroon ng higit na malalim na pananalangin at pagsisisi lalo na sa panahong ito ng Kuwaresma, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maranasan ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Kristo upang mabigyan sila ng pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng liwanag, kaligayahan, at kapayapaan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, tinutunghayan mo ang aming mga puso at nakikita mo ang aming mga pangangailangan. Ipagkaloob mo, dahil sa iyong habag, ang hinihiling namin sa aming panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.