7,030 total views
Paggunita kay San Martin ng Tours, obispo
Roma 16, 3-9. 16. 22-27
Salmo 144, 2-3. 4-5. 10-11
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
Lucas 16, 9-15
Memorial of St. Martin of Tours, BishopΒ (White)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Roma 16, 3-9. 16. 22-27
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila, mga kamanggagawa ko kay Kristo Hesus. Sumuong sila sa panganib upang mailigtas ang aking buhay; at hindi lamang ako ang nagpapasalamat kundi pati ang mga simabahan ng mga Hentil. Ikumusta rin ninyo ako sa simbahang nagtitipon sa bahay ng mag-asawang ito.
Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa kaibigan kong si Epeneto, ang unang sumampalataya kay Kristo doon sa Asia, at kay Maria, na nagpakahirap para sa inyo. Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Adronico at Junia, na nakasama ko sa bilangguan; silaβy kilala ng mga apostol at naunang naging Kristiyano kaysa akin.
Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Kristo, at sa kaibigan kong si Estaquis.
Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Kristo. Binabati kayo ng lahat ng mga simbahan ni Kristo.
Akong si Tercio, na sumulat ng liham na ito, ay bumabati rin sa inyo sa pangalan ng Panginoon.
Kinukumusta kayo ni Gayo na tinutuluyan ko β sa bahay niya nagtitipon ang buong simbahan. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng ating kapatid na si Cuarto.
Nawaβy sumainyong lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Hesukristo. Amen.
Purihin ang Diyos na makapagpapatibay sa inyo sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol kay Hesukristo na ipinangangaral ko sa inyo. Ang Mabuting Balitang iyan ay isang hiwaga na nalihim sa loob ng mahabang panahon, at sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa mga Hentil upang silaβy manalig at tumalima kay Kristo. Ang lahat ng iyan ay ayon sa mga sulat ng mga propeta.
Sa iisang Diyos, ang marunong sa lahat β sa kanya iukol ang papuri magpakailanman sa pamamagitan ni Hesukristo! Amen.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 2-3. 4-5. 10-11
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
Pupurihin koβt pasasalamatan ang Diyos araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ang Poon, at karapat-dapat na siyaβy purihin;
ang kadakilaan niya ay mahirap nating unawain.
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
Ang karangalan mo at pagkadakilaβy ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
Magpupuring lahat sa iyo, O Poon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin kaβt pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang βyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakilaβt makapangyarihan.
Pupurihin ko ang ngalan
ng Poon magpakailanman.
ALELUYA
2 Corinto 8, 9
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayoβy managana
sa bigay nβyang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 16, 9-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, βKayaβt sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ng sanlibutang ito. Maubos man itoβy may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan sa malaking bagay; ang magdaraya sa maliit na bagay ay magdaraya rin sa malaking bagay. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga kayamanan ng sanlibutang ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo magpagkatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo?
βWalang makapaglilingkod nang sabay sa dalawang panginoon. Sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo mapaglilingkuran nang sabay ang Diyos at ang kayamanan.β
Narinig ito ng mga Pariseo at nilibak nila si Hesus, sapagkat sakim sila sa salapi. Kayaβt sinabi niya sa kanila, βKayo ang nagpapanggap na mga matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit nasasaliksik ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.β
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Pinagkakatiwalaan tayo ng Diyos ng mga biyayang magagamit para sa kanyang kaluwalhatian at kabutihan ng kapwa. Idalangin natin na maging responsable nawa tayo sa lahat ng ito at maging karapat-dapat sa kanyang pagtitiwala.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, bigyang-lakas mo kami sa iyong pamamaraan.
Bilang Simbahan, tayo nawaβy maging mapagkakatiwalaan sa ating paglilingkod sa mga dukha, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawaβy maging responsable at tapat sa paggamit ng mga ari-arian ng gobyerno, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapaglabanan ang pagkagahaman sa pamamagitan ng pagiging mapagbigay araw-araw, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha at maysakit nawaβy tumanggap ng suporta mula sa mga mapagmalasakit at mabuting-loob na mamamayan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawaβy tumanggap ng walang hanggang yaman ng kalangitan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, tulungan mo kaming huwag na matangay ng tukso ng salapi bagkus hanapin ang tunay na kayamanan ng iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.