4,000 total views
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12
Salmo 45, 2-3. 5-6. 8-9.
Sa bayan ng Dakilang D’yos
batis n’ya’y may tuwang dulot.
1 Corinto 3, 9k-11. 16-17
Juan 2, 13-22
Feast of the Dedication of the Lateran Basilica in Rome (White)
UNANG PAGBASA
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel
Noong mga araw na iyon, bumalik kami ng anghel sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito’y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo’y paharap sa silangan. Ito’y nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan.
Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos nito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. Sa magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga pagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 45, 2-3. 5-6. 8-9.
Sa bayan ng Dakilang D’yos
batis n’ya’y may tuwang dulot.
Ang Diyos ang lakas natin at kanlungan,
at handang saklolo kung may kaguluhan;
di dapat matakot, mundo’y mayanig man,
kahit na sa dagat ang bundok mabuwal.
Sa bayan ng Dakilang D’yos
batis n’ya’y may tuwang dulot.
May ilog ng galak sa bayan ng Diyos,
sa banal na templo’y ligaya ang dulot.
Ang tahanang-lunsod ay di masisira;
ito ang tahanan ng Diyos na Dakila,
mula sa umaga ay kanyang alaga.
Sa bayan ng Dakilang D’yos
batis n’ya’y may tuwang dulot.
Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan,
ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan.
Anuman ang kanyang ginawa sa lupa,
sapat nang pagmasdan at ika’y hahanga!
Sa bayan ng Dakilang D’yos
batis n’ya’y may tuwang dulot.
IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 3, 9k-11. 16-17
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto
Mga kapatid, kayo ang gusali ng Diyos. Ayon sa kaloob ng Diyos sa akin, ako ang naglagay ng pundasyon, bilang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy ng pagtatayo ng gusali. Ngunit maging maingat ang bawat nagtatayo, sapagkat wala nang ibang pundasyon na maaaring ilagay liban sa nailagay na, si Hesukristo.
Hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Parurusahan ng Diyos ang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
2 Cronica 7, 16
Aleluya! Aleluya!
Aking bahay na pinili
ay pagpapalaing lagi
nang ngalan ko’y manatili.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 2, 13-22
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, kaya’t pumunta si Hesus sa Jerusalem. Nakita niya sa templo ang mga nagbibili ng mga baka, mga tupa, at mga kalapati, at ang namamalit ng salapi. Gumawa siya ng isang panghagupit na lubid at ipinagtabuyang palabas ang mga mangangalakal, pati mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag. Sinabi niya sa mga nagbibili ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalaala ng kanyang mga alagad na sinasabi sa Kasulatan, “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.”
Dahil dito’y tinanong siya ng mga Judio, “Anong tanda ang maibibigay mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Tumugon si Hesus, “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu’t anim na taon na ginawa ang templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
Ngunit ang templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya’t nang siya’y muling mabuhay, naalaala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito; at naniwala sila sa Kasulatan at sa mga sinabi ni Hesus.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Nobyembre 9
Pagtatalaga ng Basilika ni San Juan de Letran sa Roma
Nananahan ang ating Tagapagligtas sa buhay na Templo ng kanyang Simbahan, isang binyagang bayan na tinipon sa ilalim ng kahalili ni San Pedro, manalangin tayo sa ating Ama sa tulong ng Banal na Espiritu.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagpalain mo kami,
ang Iyong mga buhay na templo.
Ang pandaigdigang Simbahan nawa’y lumago sa pagkakaisa at pananampalataya sa pamamagitan ng ating katapatan sa Santo Papa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga bansa nawa’y mabuhay sa kapayapaan at iwasan ang paghihiganti at paglalaban, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naghahanap sa Diyos nawa’y matagpuan ang bato ng pananampalataya ni San Pedro at ang lakas ng loob ni San Juan Bautista, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang ipakita ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng ating pangangalaga at paggamit sa gusaling ito ng simbahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y maging mga buhay na bato sa walang hanggang Templo, manalangin tayo sa Panginoon.
Mapagmahal na Ama, itinaas mo ang katawan ng iyong Anak, ang maluwalhating Templo ng Muling Pagkabuhay. Bilang kanyang katawang mistiko at templo sa lupa, iniaalay namin sa iyo ang aming mga panalangin, taglay ang pag-asa na makakabahagi kami sa gayunding Muling Pagkabuhay. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.