4,848 total views
Sabado ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay Papa San Calixto I, martir
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Joel 4, 12-21
Salmo 96, 1-2. 5-6. 11-12
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Lucas 11, 27-28
Saturday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Callistus, Pope and Martyr (Red)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Joel 4, 12-21
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Joel
Ito ang sinasabi ng Panginoon:
“Kailangang humanda ang mga bansa at magtungo sa Kapatagan ni Josafat.
Akong Panginoon ay mauupo roon upang hatulan ang lahat ng bansa sa paligid.
Ubod sila ng sama; gapasin mo silang parang uhay sa panahon ng anihan;
ligisin mo silang parang ubas sa pisaan hanggang sa umagos ang katas.
Angaw-angaw ang nasa Kapatagan ng Paghatol,
sapagkat darating na ang Araw ng Panginoon.
Wala nang liwanag ang araw at ang buwan at hindi na kumikislap ang mga bituin.”
Dumadagundong ang tinig ng Panginoon mula sa Bundok ng Sion, animo’y kulog na nagbubuhat sa Jerusalem; anupat nanginginig ang lupa’t langit.
Subalit iingatan niya ang kanyang bayan.
“Sa gayun, malalaman mo, Israel, na akong Panginoon ang inyong Diyos!
Ang aking tahanan ay ang Sion, ang banal kong burol, lungsod kong banal ang Jerusalem; ito’y hindi na muling masasakop ng mga dayuhan.
Sa panahong iyon, magiging panay na ubasan ang mga bundok; mga bakahan ang makikita sa bawat burol; mananagana sa tubig ang buong Juda!
Dadaloy mula sa templo ng Panginoon ang isang batis, na didilig sa Kapatagan ng Sitim.
Magiging disyerto ang Egipto at magiging tigang ang lupain ng Edom, sapagkat sinalakay nila ang lupain ng Juda at pinatay ang mga mamamayang walang kasalanan.
Ipaghihiganti ko ang lahat ng nasawi; di ko patatawarin ang sinumang nagkasala.
Ang Juda at ang Jerusalem ay pananahanan magpakailanman at tatahan naman ang Panginoon sa Bundok Sion.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 96, 1-2. 5-6. 11-12
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Ang Poon ay maghahari, magalak ang kalupaan!
Lahat kayong mga pulo ay magsaya at magdiwang!
Ang paligid niya’y ulap na lipos ng kadiliman,
kaharian niya’y tapat at salig sa katarungan.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Yaong mga kabunduka’y natutunaw, parang pagkit,
sa harapan ng dakilang Panginoon ng daigdig.
Sa langit ay nahahayag yaong kanyang katuwiran,
sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
sa dalisay namang puso maghahari’y kagalakan.
Ang matuwid ang gawain ay galak ang masusumpong,
sa maraming kabutihang ginawa ng Panginoon;
ang ginawa niyang ito’y dapat nating gunitain,
at sa Poon ay iukol ang papuring walang maliw!
Sa Panginoo’y magalak
ang masunuri’t matapat.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 27-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa inyo!” Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Nabigyang-buhay ng pananampalataya at katapangan ni Maria, dalhin natin ang ating mga pangangailangan sa Diyos Ama.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, maganap nawa sa amin ang iyong kalooban.
Sa paggabay ni Maria, ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y akayin ang Bayan ng Diyos para higit na mapalapit kay Kristo sa pamamagitan ng kanilang pagpapahayag at halimbawa, manalangin tayo sa Panginoon.
Katulad ni Maria, nawa’y tanggapin natin ang Salita ng Diyos sa ating puso at tumugon dito nang may buong kabukasan ng kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa pagsunod sa mga halimbawa ni Maria, nawa’y magawa ng mga ina ang kanilang tahanan na maging pook na puno ng pagmamahal at kabanalan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa tulong ni Maria nawa’y tingnan ng Diyos nang may habag ang mga maysakit, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magsaya sa walang hanggang kaligayahan na kasama si Maria at ang mga banal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pinili mo si Maria upang maging ina ng iyong Anak. Tulungan mo kami sa pamamagitan ng kanyang pananalangin na mapahalagahan namin ang mga alaala ng Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng iyong Anak. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.