2,881 total views
Sabado ng Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Roma 4, 13. 15-18
Salmo 104, 6-7. 8-9. 42-43
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Lucas 12, 8-12
Saturday of the Twenty-eighth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Roma 4, 13. 16-18
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila and sanlibutan, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan kundi sa kanyang pananalig sa Diyos at sa gayo’y siya’y pinawalang-sala.
Kaya nga, ang pangako ay nababatay sa pananalig upang ito’y maging isang kaloob sa lahi ni Abraham — hindi lamang sa mga sumusunod sa Kautusan kundi sa lahat ng nananalig sa Diyos, tulad niya, yamang siya ang ama nating lahat. Ganito ang nasusulat: “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito ay may bisa sa harapan ng Diyos na kanyang pinanaligan, ang Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumikha sa lahat ng bagay. Bagamat wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya’y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Kasindami ng bituin ang magiging lahi mo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 6-7. 8-9. 42-43
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
o kaya: Aleluya.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
Kaya’t ang bayan niya’y kanyang inilabas na lugod na lugod,
nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
ALELUYA
Juan 15, 26b. 27a
Aleluya! Aleluya!
Kayo at ang Espiritu
ang s’yang magpapatotoo
tungkol sa aral ni Kristo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 8-12
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilanlin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magtatwa sa akin sa harapan ng mga tao ay itatatwa ko rin naman sa harapan ng mga anghel ng Diyos.
“Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay mapatatawad; ngunit ang lumait sa Espiritu Santo ay hindi mapatatawad.
“Kapag kayo’y dinala nila sa sinagoga, o sa harapan ng mga tagapamahala at ng mga maykapangyarihan upang litisin, huwag ninyong isipin kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili o kung ano ang inyong sasabihin. Sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Ang Panginoon ang ating seguridad. Ipahayag natin ang ating tiwala sa kanya at manalangin tayo para sa lahat ng tao na kasama natin sa paglalakbay sa buhay na ito.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng mga anghel, ikaw ang aming tanggulan.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na ipahayag ang Salita ng Diyos sa harap ng maraming pagbatikos at paglaban, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang matutuhang magtiwala sa banal na pagpapala ng Diyos gaano man kabigat ang ating mga pasaning suliranin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga walang hanapbuhay nawa’y makakita ng trabaho at kumita ng kanilang ikabubuhay nang marangal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nabibigatan sa pagkakasakit nawa’y makatagpo ng kasiyahan sa pag-ibig at tiwala ng mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamo ng mahabaging hatol at walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming manatiling tapat sa iyong salita upang magkaroon kami ng lakas na magpatuloy pasanin ang mga kahirapan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.