3,229 total views
Sabado ng Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Efeso 4, 7-16
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Lucas 13, 1-9
Saturday of the Twenty-ninth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Efeso 4, 7-16
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, ang bawat isa sa ati’y binigyan ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Kristo. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan,
“Nang umakyat siya sa kalangitan,
Nagdala siya ng maraming bihag,
At nagbigay ng mga kaloob sa tao.”
Ano ang ibig sabihin ng “umakyat siya?” Ang ibig sabihin niyan ay bumaba muna siya rito sa lupa. Ang bumaba ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan, sa kabila ng mga langit, upang malaganapan ng kanyang kapangyarihan ang kalahat-lahatan. At ang iba’y ginawang apostol, ang iba’y propeta, ang iba’y ebanghelista, ang iba’y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng hinirang, sa ikauunlad ng kanyang simbahan. Sa gayun, tayong lahat ay magkakaisa sa pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos at magiging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Kristo. Hindi tayo matutulad sa mga batang nadadala ng bawat aral, parang sasakyang-dagat na sinisiklut-siklot ng mga alon at tinatangay ng hangin. Hindi na tayo malilinlang ng mga taong ang hangad ay ibulid tayo sa kamalian. Manapa’y sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, magiging ganap tayo kay Kristo na siyang ulo. Sa pamamagitan niya’y nabubuo ang katawan mula sa mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lalaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
ALELUYA
Ezekiel 33, 11
Aleluya! Aleluya!
Hindi nais ng Maykapal
na salari’y parusahan
kundi s’ya’y magbagong-buhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 1-9
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Dumating noon ang ilang mga tao at ibinalita kay Hesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang Galileo samantalang ang mga ito’y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, higit na makasalanan ang mga Galileong ito kaysa ibang mga taga-Galilea dahil sa gayun ang sinapit nila? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe – sa akala ba ninyo’y higit silang makasalanan kaysa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo: kapag hindi ninyo pinagsisihan at tinalikdan ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat.”
Sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito: “May isang tao na may puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ito, ngunit wala siyang nakita. Kaya’t sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na! Nakasisikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin sa taong ito. Huhukayan ko ang palibot at lalagyan ng pataba. Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!’”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-29 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Ang Diyos ay mapagtiis at mulat sa ating mga paghihirap. Manalangin tayo sa kanya upang tulungan niya tayo sa daan ng pagbabago at pagbabalik-loob.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Maging karapat-dapat nawa kami sa iyong mga biyaya, Panginoon.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y humikayat sa atin sa mas maalab na debosyon kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga komunidad nawa’y makamit ang bunga ng sama-samang pananalangin at pagbabalik-loob, at harapin ang luklukan ng paghahatol ng Diyos nang may katapatan ng puso at kababaan ng kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong may pusong hungkag at nanlalamig nawa’y mapag-alab natin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa nawa’y magkaroon ng lakas na tumawag sa Panginoon na malapit sa atin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makita ang mukha ni Jesus at manatili sa kanyang presensya magpakailanman, manalangin tayo sa Panginoon.
Mapagmahal na Ama, tanggapin mo ang mga panalangin ng iyong nagbabalik-loob na bayang lumalapit sa iyo nang may kababaang-loob at pananampalataya. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.