9,768 total views
Sabado ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Blas, obispo at martir
o kaya Paggunita kay San Anscar, obispo
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
1 Hari 3, 4-13
Salmo 118, 9. 10. 11. 12. 13. 14
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Marcos 6, 30-34
Saturday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Blaise, Bishop and Martyr (Red)
or Optional Memorial of St. Ansgar, Bishop (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Hari 3, 4-13
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, pumunta si Solomon sa Gabaon upang maghandog, sapagkat iyon ang pangunahing sambahan sa burol. Nag-alay na siya roon ng daan-daang handog na susunugin noong una. Kinagabihan, samantalang siya’y naroon pa sa Gabaon, napakita sa kanya ang Panginoon sa panaginip. “Ano ang ibig mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya.
Sumagot si Solomon: “Kinahabagan ninyo at puspusang minahal ang aking amang si David na naging tapat sa inyo, matuwid at malinis ang puso. At ipinagpatuloy ninyo ang inyong pagkalinga sa kanya nang marapatin ninyong paluklukin sa kanyang trono ang isa niyang anak. Panginoon, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, bagaman ako’y bata pa’t walang karanasan. Pinapamuno mo ako sa iyong bayan, sa bayang ito na hindi na mabilang sa dami. Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling. Sapagkat sino ang maaaring maghari sa bayan mong ito na napakalaki?”
Ikinalugod ng Panginoon ang hiling ni Solomon. Kaya’t sinabi sa kanya: “Yamang hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo’y pagkaunawa at katalinuhang humatol, ipinagkakaloob ko sa iyo ang hiniling mo. Binibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna, maging sa mga susunod pa sa iyo. At bibigyan pa kita ng mga bagay na hindi mo hinihingi: kayamanan at karangalan na di mapapantayan ng sinumang hari sa tanang buhay mo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 9. 10. 11. 12. 13. 14
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Paano ba iingatang maging wagas yaong buhay,
yaong buhay na binata sa kaniyang kabataan?
Ang tugon ay: “Sumunod s’ya sa banal mong kautusan.”
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Buong puso ang hangad ko na ikaw ay paglingkuran,
sa pagsunod sa utos mo, huwag mo akong pabayaan.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Ang banal mong kautusa’y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa ‘yo kailanman.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Pupurihin kita, Poon, ika’y aking pupurihin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Ang lahat mong mga utos na sa aki’y ibinigay
palagi kong uusalin, malakas kong isisigaw.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Nagagalak na susundin yaong iyong kautusan
higit pa sa pagkagalak na dulot ng kayamanan
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 30-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik kay Hesus ang mga apostol at iniulat ang lahat ng kanilang naisagawa at naituro. Napakaraming taong dumarating at umaalis, anupat hindi na makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Kaya’t sinabi niya sa mga ito, “Magtungo tayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis silang lulan ng bangka, at nagpunta nga sa isang ilang na dako.
Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala sila. Kaya’t mula sa lahat ng bayan, ang mga tao’y patakbong tumungo sa dakong pupuntahan nina Hesus at nauna pang dumating doon kaysa kanila. Paglunsad ni Hesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Mulat sa pangangailangang lumaya sa mga hamon ng buhay upang mapatatag at mapanumbalik ang ating diwa at kalooban, lumalapit tayo sa Ama sa mapagkumbabang pananalangin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Pastulan Mo ang iyong bayan, O Panginoon.
Ang mga namumuno sa Simbahan nawa’y panatilihin nilang buhay ang kanilang pagtatalaga sa pagpapahayag ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nabibigatan sa mga pasanin sa buhay nawa’y “lumikas” at “mamahinga,” upang makatagpo ng kapayapaan sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tumalikod sa kanilang pananampalataya nawa’y muling maakay pabalik sa pamilya ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makakita ng kagalingan sa kanilang karamdaman sa pamamagitan ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y mamalagi sa tahanan ng Panginoon magpasawalang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, tinawag mo kami upang iyong makasama. Maging tapat nawa kami sa pagsunod sa iyong Anak sa aming paglalakbay patungo sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.