3,890 total views
Paggunita kay San Jeronimo, pari at pantas ng Simbahan
Zacarias 2, 5-9. 14-15a
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Lucas 9, 43b-45
Memorial of St. Jerome, Priest and Doctor of the Church (White)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Zacarias 2, 5-9. 14-15a
Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Zacarias
Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?”
“Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya.
Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. Sinabi nito sa kanya, “Dali ka! Sabihin mo sa binatang may dalang panukat na ang Jerusalem ay titirhan ng maraming tao at hayop. Hindi na ito papaderan pagkat ang Panginoon ang magiging bakod na apoy ng Jerusalem, at ang kaningningan niya’y lulukob sa buong lungsod.”
Sinabi pa ng Panginoon, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Sion, pagkat maninirahan na ako sa piling mo.”
Sa araw na yaon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri sa Panginoon at pasasakop sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Jeremias 31, 10. 11-12ab. 13
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ng Poon,
at ipahayag ninyo sa malalayong lupain:
“Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila’y muli kong
titipunin at aalagaan,
gaya ng pagbabantay ng isang pastol
sa kanyang mga tupa.”
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Sapagkat tinubos ng Poon si Jacob,
at pinalaya sa kapangyarihan ng
kaaway na lubhang makapangyarihan at malakas.
Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa
patungo sa Bundok ng Sion,
tigib ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ng Poon.
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga
makikigalak pati mga binata’t matatanda;
ang kanilang dalamhati ay magiging
tuwa, papalitan ko ng kagalakan
ang kanilang kalungkutan.
Pumapatnubay na Diyos
ay Pastol na kumukupkop.
ALELUYA
2 Timoteo 1, 10
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay nagtagumpay
nalupig ang kamatayan
nagningning ang pagkabuhay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 9, 43b-45
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang nanggigilalas ang mga tao sa lahat ng ginawa ni Hesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo itong sasabihin ko: ipagkakanulo ang Anak ng Tao.” Ngunit hindi nila ito naunawaan, pagkat inilingid ito sa kanila. Nangangamba naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig sabihin niyon.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Ipinahayag ni Kristong ating Panginoon ang ating kaligtasan sa kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, ang Lingkod na Nagdurusa, dalhin ang ating mga panalangin sa Ama ng lahat ng awa.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, maunawaan nawa namin ang iyong pamamaraan.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magpakita ng maliwanag na pangarap na may masigasig at matatag sa gitna ng magulong mundong ating ginagalawan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang kapayapaan at pagkakasunduan nawa’y mamayani sa samahan ng mga bansa at lahat ng tao sa daigdig, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang mapagtanto na ang tunay na kadakilaan ay hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan at katayuan sa lipunan kundi matatagpuan ito sa paglilingkod natin sa ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y iugnay ang kanilang paghihirap sa mga pagdurusa ni Kristo sa krus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mapalaya sa kanilang pagkakasala at magtamo ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, bigyan mo kami ng tapang na tanggapin ang anumang pagdurusa na darating sa aming buhay. Akayin mo kami sa kaganapan ng kaligayahan sa iyong presensya. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.