15,441 total views
Layunin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mapalawak ang mga impormasyon sa suliranin ng human trafficking sa mundo.
Ito ang mensahe ni Monsignor Bernardo Pantin – Secretary General ng CBCP upang magkaroon ng kamalayan ang mas maraming Pilipino at mapaigting ang panlipunang pagtugon o pagsugpo sa mga kaso ng humang trafficking, online sexual exploitation at slavery sa mga kabataan at mahihirap.
Ginawa ni Msgr. Pantin ang paninindigan sa turnover ng pangangasiwa ng Philippine Interfaith Movement Against Human Trafficking (PIMAHT) sa C-B-C-P mula sa Philippine Council of Evangelical Churches sa ikalawang National Day of Prayer Against Human Trafficking tuwing unang linggo ng Pebrero.
“Kaya itong 2nd Day of Prayers for National it’s more of awareness na itong problema talaga against human trafficking is malala talaga, not only here in the Philippines but all over the world kaya ito pinaglalaban talaga natin kasi alam natin yung bawat tao may dignindad at karapatang maging malaya, kaya we hope ito talaga itong sinasabing heinous crime is masugpo talaga siya.” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Monsignor Pantin.
Inihayag ni Msgr. Pantin na layon din ng simbahan na mapaigting ang pagkakaisa ng mamamayan katuwang ang ibat-ibang komisyon ng CBCP masugpo ang laganap na krimen.
Tema ngayong taon ng “National Day of Prayer Against Human Trafficking ay “Paglalakbay na may Dangal, Makinig, mangarap at Kumilos” upang simulan na ang mga pagkilos o pagtatatag ng mga programa para sa mga biktima ng human trafficking.
“Kasi kailangan talaga ang pagtutulnugan ng bawat Pilipino, ng lahat natin, kasi ito sabi ko, malala talaga itong problema, minsan hindi na natin nalalaman, hindi na natin nakikita na mayroon ng mga biktima na pala maski siguro sa mga kapitbahay natin or sa mga kakilala natin, maraming nabibiktima nito, kaya dapat pagtulong-tulungan natin ito.” ayon pa sa mensahe ni Monsignor Pantin.
Noong Enero at Pebrero 2023 ay naitala ng Bureau of Immigration sa mahigit anim na libo ang naging biktima ng human trafficking at illegal recruitment sa Pilipinas.
Naitala naman ng United Nations On Drugs and Crimes, sa pagitan ng taong 2003 hanggang 2021, ay umaabot sa mahigit kalahating milyong ang biktima ng human trafficking sa ibat ibang bahagi ng mundo.