889 total views
Suportado ng Archdiocese of Manila-Ministry on Ecology ang hakbang ng Makati City Government upang tugunan ang lumalalang epekto ng climate change sa lungsod.
Kasunod ito ng deklarasyon ng Makati City na isailalim sa state of climate emergency ang lungsod sanhi ng pagbabago ng klima ng kapaligiran.
Ayon kay Ecology Ministry Director Fr. Ric Valencia, nakababahala na ang mga pagbabago ng klima na nakakaapekto sa buhay ng bawat mamamayan lalo na sa Metro Manila.
Tinukoy ni Fr. Valencia ang lumalalang epekto ng polusyon sa hangin at pagtaas ng temperatura ng kapaligiran sanhi ng mga usok na nagmumula sa mga sasakyan at iba pang gawain ng tao.
“‘Yung adhikain ni Mayor Binay ay sana gawin ng lahat ng local government kasi ang mga LGU naman ang may kakayahang magpatupad niyan e. Full support din ang Archdiocese of Manila sa ikabubuti ng kapaligiran,” ayon kay Fr. Valencia.
Sa kasalukuyan, mahigpit na ipinapatupad sa Makati ang Solid Waste Management Code, Makati Green Building Code, plastic ban sa mga tahanan at business establishments, cigarette smoking ban, Anti-Smoke Belching Ordinance, at ang Greenhouse Gas Reduction Ordinance.
Binabalak rin ng lokal na pamahalaan na maglunsad ng humigit-kumulang 30 hanggang 50 electric bus sa taong 2024 bilang bahagi ng mga hakbang tungo sa pagbuo ng “smart and green” public transport system.
Umaasa naman si Fr. Valencia na tutularan ng ibang lokal na pamahalaan lalo na sa Metro Manila ang hakbang ng Makati City Government upang tuluyan nang matugunan ang lumalalang epekto ng nararanasang krisis sa kapaligiran.
Batay sa tala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagkaroon ng 0.75 degrees Celsius na pagtaas sa taunang temperatura ng bansa sa nakalipas na 70 taon.
Inaasahang pagsapit ng taong 2050 ay aabot na sa 1.8 degrees Celsius ang antas ng temperatura sa bansa.