298 total views
Patuloy na pinalalakas ng CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang programa nito para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na DASMA o Diocesan Awareness for Servant Ministry Apostolate sa mga diocese sa bansa.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, nakatutok ito partikular na sa mga pamilya ng mga OFW na naiwan sa Pilipinas na turuan sila na makapag-impok at maglingkod sa Simbahan.
Sinabi pa ng obispo, na binabantayan din nila ang mga anak ng mga OFW kung nakakapag-aral ang mga ito para na rin maayos ang kanilang kinabukasan.
Payo pa ni Bishop Santos, hindi habambuhay malakas ang pangangatawan kaya’t kung dumating ang panahon na magkaroon ng suliranin sa kalusugan maging sa estado ng hanapbuhay, may madudukot ang pamilya bilang panimula.
“Pinalalakas natin ang tinatag natin sa bawat diocese, ang DASMA, Diocesan Awareness for Servant Ministry Apostolate na kada diocese ay magkaroon ng ministry na tutok sa OFW at yung mga naiwang pamilya ay mabantayan, makapaglingkod sa Simbahan, tinitingnan ang mga anak kung nakakapag-aral at yung mga asawa na mabigyang pagkakataon na mapaglingkod sa Simbahan at turuan sila ng mga gawain na time will come magiging pangangalakal at business, pag may suliranin ang mga asawa binibigyan natin sila ng kasagutan tagapamagitan sa pamahalaan at labor agencies, tutok tayo sa kanilang karapatan, tagapagtanggol, ang kanilang dapat makamit at pinapadala na magamit sa tamang pamamaraan, pinaaalalahanan sila na dapat silang mag impok at isipin ang ipinadalala ay gamitin sa tama. Ang pagtatrabaho dun ay walang katiyakan, hindi sila laging malakas at malusog kaya dapat silang magtipid, mag-impok para makapundar ng negosyo o makapag-ipon para sa kanilang kinabukasan at matatag na pamumuhay,” pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Una ng inilunsad ang ng CBCP-ECMI ang DASMA noong 2014.
Kaugnay nito, sa ulat ng Commission on Overseas Filipinos (CFO), tinatayang nasa mahigit 13 milyon ang mga OFW na nasa ibat-ibang mga bansa sa buong mundo.