650 total views
Hinimok ng Kaniyang Kabanalan Francisco ang Simbahan na makibahagi sa paghahanda sa buhay pagpapamilya bago ang pagpapakasal.
Ang mensahe ng Santo Papa ay kaugnay sa isinapublikong pastoral guidelines ng Dicastery for Laity, Family and Life o ang Catechumenal Itineraries for Married Life.
“Let us put our minds and hearts at the service of future families. I assure you that the Lord will sustain us, give us wisdom and strength, make our enthusiasm grow, and above all, allow us to experience the ‘delightful and comforting joy of evangelizing, as we proclaim the Gospel of the family to new generations,” bahagi ng pambungad na mensahe ni Pope Francis.
Layunin ng dokumento na maiwasan ang epekto ng paghihiwalay ng mga mag-asawa at kanilang mga supling.
Sang-ayon naman si Fr. Greg Gaston ang rector ng Pontificio Colegio Filipino sa Roma sa pahayag ng Santo Papa na kinakailangan ng mga nais na magpakasal ang higit na paghahanda sa susuunging buhay pagpapamilya.
“Sana sa marriage ay mas malalim, dahil marami ang marriages na hindi nagtatagal. Baka nga dahil kulang sa paghahanda,” ang pahayag ni Fr. Gaston sa Radio Veritas.
Ayon sa pari na tulad ng paghahanda ng simbahan sa mga magpapari at magmamadre dapat ding magkaroon ng programa ang simbahan na magpapatatag sa relasyon ng mga mag-asawa at sa kanilang pagbuo ng pamilya.
Sinabi pa ni Fr. Gaston, “Yung marriage lagi naman may ups and downs. Akyat baba ang relationship, minsan masaya, minsan mahirap. Kaya accompaniment sana ay masamahan muli sana ay matulungan, magtulungan yung mga couples. Kaya gusto ni Pope Francis na palakasin itong mga programa ng ating simbahan para sa mag-asawa, para sa pamilya.”
Bilang pangunahing bahagi ng lipunan sinabi ng pari na mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na pamilya para sa mas mabuting pamayanan na ligtas mula sa karahasan at kaguluhan.
Giit ng pari ang buo at maayos na pamilya ay ang nagpapalakas at nagpapaunlad sa lipunan gayundin sa simbahan.
Habang ang pagkakaroon ng magulong pamilya ay nagdudulot ng epekto sa mga bata na nagiging dahilan din ng juvenile delinquency, pagkagumon sa bisyo at karahasan.
Hinikayat din ng Dicastery on Family and Life ang mga parokya sa buong mundo na maglaan ng tanggapan para sa mga nais na magpakasal at mga hindi nagkakasundong mag-asawa na kabilang sa mungkahi sa pastoral guidelines.
Umaasa ang tanggapan na hindi lamang sa paggabay at pagbibigay tulong sikolohikal kundi ispiritwal ay makakatulong ang simbahan na mapanumbalik ang mabuting pagsasama ng mga mag-asawa at matuklasan ang presensya ng Panginoon sa kanilang buhay.
Una na ring hinikayat ng Santo Papa ang mananampalatayang Kristiyano na ipanalangin ang bawat pamilya, bilang pangunahing prayer intention ni Pope Francis sa buong buwan ng Hunyo.
Gaganapin naman sa Roma ang 10th World Meeting of Families sa June 22-26.