204 total views
Itinanghal bilang ‘Best Male Influencer’ ng Catholic Social Media Awards 2018 si Barangay Simbayanan (Friday Edition) priest anchor Father Luciano Felloni.
Ito na ang ikalawang magkasunod na taon na tumanggap ng pagkilala si Fr. Felloni bilang ‘media influencer’ kung saan kinilala rin ang kanyang ‘Almusalita’ bilang Best Blog.
Si Fr. Felloni ay co-anchor sa Barangay Simbayanan Friday edition kasama si Angelique Lazo na mapakikinggan alas-8 hanggang alas-10 ng umaga.
Ang Catholic Social Media Award ay grupo na tinaguriang ‘on line missionaries’ na nagbibigay ng pagkilala sa mga katangi-tanging ‘catholic communicators’ na naging bahagi sa paghahayag ng ebanghelyo sa iba’t ibang social media platforms.
Nagwagi ding ang Veritas Pilipinas Facebook page bilang ‘Best Facebook Public Group’.
Ang Veritas Pilipinas face book group ay may 30,000 members.
Ang programang Veritas Pilipinas ay mapapakikinggan at mapanood sa Lunes hanggang Biyernes alas-6 hanggang alas-8 ng umaga kasama ang mga anchors na sina Jing Manipol-Lanzona, Msgr. Pepe Quitorio at Fr. Emmanuel ‘Nono’ Alfonso.
Sa mensahe ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas binigyan diin sa ginanap na Catholic Social Media Summit na bagama’t isang biyaya ang social media sa pakikipag-ugnayan ay dapat itong gamitin sa kabutihan ng mas nakakarami at hindi magdulot ng kaguluhan.
Sa pag-aaral “Digital in 2018”, higit sa 9 oras ang inilalaang panahon ng mga Filipino sa internet kada araw at naitala rin sa umaabot sa higit 60 milyong mga Filipino ang aktibo sa paggamit ng social media.