1,352 total views
Pinangunahan ni Rev. Fr. Flavie Villanueva, SVD – Founder ng St. Arnold Janssen Kalinga Center ang panibagong serye ng Project Arise sa ilalim ng Program Paghilom ng Arnold Janssen Kalinga Foundation.
Sa pangunguna ni Fr. Villanueva ay apat na labi ng mga biktima ng extra-judicial killings ang muling hinukay upang hindi maisama sa mga mass grave na matatapos na ang upa.
Itinuloy ang Project Arise noong ika-23 ng Enero, 2023 kung saan tatlo sa apat na mga labi ang hinukay mula sa Tala Cemetery sa Caloocan City habang isa naman mula sa Manila North Cemetery.
Ayon kay Fr. Villanueva, ang Project Arise ay isang proyekto sa ilalim ng Program Paghilom na naglalayong mabigyan ng naaangkop na pagtrato ang labi ng mga biktima ng EJK.
Kasabay nito ang paggabay sa mga naiwang mahal sa buhay upang mapaghilom mula sa marahas na pagkamatay na sinapit sa ilalim ng War on Drugs ng pamahalaan.
Bahagi rin ng Project Arise ang pagpapasailalim sa mga labi sa autopsy ng mga eksperto upang malaman ang katotohanan at dahilan ng kanilang pagkamatay upang isulong ang pagkamit ng katarungan.
“What is “Project Arise”? It’s a project under the inspiration of Program Paghilom. It seeks to: Exhume the EJK Remains buried in “graves for lease”. To engage in a scientific autopsy to discover the Truth. To create a Rite of Healing to turn-over Urns to the Family. Finally, to bury the Urns in due time for the dead to finally find rest, and the family to journey towards seeking healing and justice!” Ang bahagi ng mensahe ni Rev. Fr. Flavie Villanueva, SVD.
Taong 2015 ng itinatatag ng Society of Divine Word (SVD) congregation ang St. Arnold Janssen Kalinga Center sa pangunguna ni Rev. Fr. Flavie Villanueva, SVD upang magkaloob ng tulong sa mga nangangailanngan lalo na ang mga palaboy sa lansangan.
Taong 2016 naman ng sinimulan ni Fr. Villanueva ang “Paghilom” program upang makatulong at makapagpaabot ng suporta sa lahat ng mga naiwang mahal sa buhay at kapamilya ng mga nasawi sa War on Drugs ng adminisrasyong Duterte.