395 total views
Matagumpay ang Catholic Relief Services (CRS) sa paghatid ng mga programa na tumutulong sa mga komunidad na mapagtibay at laging handa ang mamamayan sa mga sakunang posibleng maranasan sa bansa.
Kinilala ni Karen Janes, ang Head of Programs ng CRS Philippines ang aktibong pakikiisa ng buong komunidad sa pangunguna ng lokal na pamahalaan upang maisakatuparan ang mga proyekto nito sa bansa.
“It won’t be successful if we don’t have collaboration in any government organization, local government units, church, when the disaster happens everyone has been prepared; its making the home safer,” pahayag ni Janes sa Radio Veritas.
Ika – 26 ng Setyembre pormal na nagtapos ang limang taong ‘Project SUCCESS (Strengthening Urban Communities Capacity to Endure Severe Shocks) ng CRS kung saan pinagtibay ang mga komunidad sa pamamagitan ng mga pagsasanay laban sa baha.
Suportado ng United States Agency International Development (USAID) ang CRS sa mga programang tulad ng pagtatag ng mga community based risk reduction, pagtuturo sa wastong pamamaraan ng pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbara sa mga lagusan na sanhi ng pagbaha at iba pang proyekto.
Ang ‘Project SUCCESS’ ay nakabatay sa mandato ng Office of Foreign Disaster Assistance (OFDA) na iligtas ang buhay ng mamamayan, iangat ang sambayanan sa kahirapan dulot ng mga kalamidad at bawasan ang epekto ng kalamidad sa lipunan at ekonomiya.
Sa kabuuan higit sa 14, 000 kabahayan o katumbas sa halos 90 libong indibidwal ang natulungan ng CRS mula sa 9 na mga lungsod at munisipalidad sa Metro Manila, Bulacan at Rizal kabilang na ang mga 29 na mga high-risk barangay.
Sa pagtitipon, kapwa nagbahagi ang mga kinatawan ng bawat komunidad sa malaking pagbabago at patuloy na mga programa sa tulong ng CRS, USAID, Caritas – social arm ng Simbahang Katolika, mga parokya at ahensya ng gobyerno.
Kinilala ng CRS ang bawat barangay na aktibong nakilahok sa kanilang programa kasabay ang paglunsad ng panibagong programa ng ‘Project SHAKE’ na layong palakasin ang kamalayan ng mamamayan sa lindol lalo’t pinangangambahan ang ‘The Big One’ sa malaking bahagi ng Metro Manila at karatig lalawigan sa pakikipagtulungan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST – Philvocs).