27,020 total views
Inaanyayahan ng Prolife Philippines Foundation ang mamamayan sa isasagawang interfaith prayer para sa pamilya, buhay at kapayapaan.
Ayon kay Prolife Philippines President Bernard Canaberal, ito ang magandang pagkakataon na magbuklod ang pamayanan upang isulong ang kahalagahan ng buhay at labanan ang anumang uri ng kasamaang pipinsala sa buhay ng tao.
“Those who are advocates of prolife and those who are in the family and life ministries in parishes and whatever religious denominations please join us, this gathering is much attuned to the realities of our lives these days.” bahagi ng pahayag ni Canaberal sa Radio Veritas.
Itinakda ng grupo ang march for life at interfaith prayer sa December 8 kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria kung saan sisimulan ito sa
Banal na Misa sa ikapito ng umaga sa St. Francis of Assisi Parish na susundan ng paglalakad patungong Shrine of Our Lady of EDSA.
Sinabi ni Canaberal na may mga personalidad mula sa iba’t ibang denominasyon ang kasali sa gawain na kaisa sa pagsusulong at pagtataguyod sa karapatan ng buhay kaya’t magkakaroon ng ecumenical prayer sa EDSA Shrine.
Tema sa pagtitipon ngayong taon ang ‘Lakad Pasasalamat para sa Buhay, Pamilyang Pilipino at Pandaigdigang Kapayapaan’ bilang pagkilala sa mga usaping may kinalaman sa buhay ng bawat isa.
Batid din ni Canaberal ang labis na pagkabahala ng grupo sa sitwasyon sa Middle East lalo’t nagpapatuloy ang digmaan ng Israel at Hamas na kumitil na sa mahigit 10, 000 buhay kasama na ang mga inosenteng indibidwal at kabataan.
“We are worried about the children in Gaza yung mga orphans nakakaawang tingnan, nag-iisip kami ng paraan kung papaano kami makakatulong sa kanila kung pwede naming dalhin dito sa Pilipinas kaya lang mahabang process ito.” ani Canaberal.
Naniniwala ang opisyal na ang mga hakbang na sisira sa pundasyon ng tao at pamilya ay mula sa kasamaan upang lituhin ang pananampalataya ng tao kabilang na rito ang patuloy na pagsusulong ng aborsyon, diborsyo, usapin ng kasarian at iba pa.
“This is all about the works of the devil to disrupt, to disturb and to disorient people in terms of values dapat tandaan natin na mas mahalaga yung values kaysa sa valuables.” dagdag pa nito.
Suportado ni Paranaque Bishop Jesse Mercado ang gawain lalo’t ito ang kasalukuyang pangulo ng Family and Life ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines at spiritual director ng Prolife.
Umaasa ang obispo na magbuklod ang kristiyanong sambayanan tungo sa mga gawaing magbibigay halaga sa buhay ng mamamayan.
“Actively participate in this momentous event, it is our opportunity to come togethe, united by our devotion to life, family and world peace and to send powerful message of hope and unity in the Lord.” giit ni Bishop Mercado.
Paalala ng obispo sa lahat ng dadalo sa pagtitipon na laging gumagabay ang Mahal na Birheng Maria sa paglalakbay at pagtataguyod sa buhay ng mamamayan sa patnubay ni Hesus na nag-alay ng kanyang buhay sa katubusan ng sanlibutan.