468 total views
Inilunsad ng Department of Environment and Natural resources at United States Agency for International Development o USAID ang Protect Wildlife Project para lalong mapangalagaan ang biodiversity ng Pilipinas.
Ayon kay Environment Secretary Gina Lopez, ito’y bilang bahagi na rin ng World Wilflife celebration ngayong buwan ng Marso.
Samantala, binigyang diin rin ng kalihim ang layunin ng DENR na paunlarin ang maliliit na komunidad sa pamamagitan ng livelihood programs at ecotourism habang kasabay nito ay napangangalagaan rin ng mga lokal na residente ang likas na yaman ng kanilang lalawigan.
“Wildlife is therefore an integral part of developing areas. Taking care of them will give us great ecotourism zones that can help people in the communities and lift them out of poverty,”bahagi ng pahayag ni Lopez.
Ang Protect Wildlife project ay limang taong proyekto ng DENR at USAID at may inisyal nang pondo na 1.2 bilyong piso.
Ang unang mga lalawigan na pagtutuunan ng proyekto ay ang Palawan, kasama ang pangangalaga sa Tubataha Reef at ang Zamboanga at Tawi-tawi bilang pagpapatibay ng proteksyon sa Sulu Archipelago.
Magugunitang malaki rin ang pagpapahalagang inihayag ng Santo Papa Francisco sa samu’t sa ring buhay sa ating kalikasan dahil dito magmumula ang ikabubuhay ng mamamayan lalo’t higit ng mahihirap na nakadepende sa likas na yaman ng mundo.(Yana Villajos)