438 total views
Online na ang mga krimen laban sa mga bata ngayon. Ang mga inosenteng kabataan ng ating bayan ay bulnerable sa mga online attacks na sumisira hindi lamang ng kanilang mental health, kundi ng kanilang pagkatao.
Kalat ngayon ang cyber bullying, kapanalig. Kung titingnan mo nga, kahit nga matanda, todo ang murahan at panlalait sa social media. Isipin mo na lang kapanalig, kung ang anak niyo ang araw araw exposed sa ganyang environment. Araw-araw na karahasan na o cyberbullying ang ganitong mga pangyayari. May mga pagkakataon pa na may mga bata o menor de edad ang nagiging sentro ng cyberbullying mula sa kanilang mga kakilala, at kahit pa di kakilala. Ayon sa National Baseline Survey on Violence Against Children noong 2016, halos isa sa dalawang bata may edad 13-17 ang nakakaranas na ng cyberviolence.
Binibiktima pa ng mga sexual predators ang marami sa ating mga kabataan. Mapalalake man o babae, marami sa ating mga menor de edad ang bulnerable sa online pornography. Ayon nga sa UNICEF, ang ating bansa ang isa sa mga pangunahing source ng child sex abuse materials. Noong 2018, mga 600,000 sexualized photos ng mga batang Filipino ang napagbenta. Tinatayang dalawa sa sampung bata ang bulnerable maging biktima ng child online sexual exploitation and abuse.
Kapanalig, ang mga bata sa ating lipunan ay helpless kung wala ang ating proteksyon. Wari’y nakakalimutan natin, dahil sa quarantine kung saan lagi lamang nasa bahay ang mga bata, na ang kaligtasan ng mga bata ay hindi lamang sa labas ng bahay natin dapat tinitiyak. Iba na ang ating mundo ngayon. Online na ang marami nating nakagawian, kaya nga pati krimen at karahasan sa bata, naging online na rin. Laging online at nasa social media ang marami sa ating mga kabataan, kaya’t madali silang mabiktima.
Kailangan nating imonitor ang internet habits ng ating mga kabataan, kapanalig. Hindi nararapat na hayaan na lamang natin silang nakababad dito buong araw hanggang gabi. Kay ganda ng mundo sa aktwal na buhay. Kailangan makita ito at malasap ng mga kabataan hindi lamang sa pamamagitan ng kanilang mga gadget.
Kailangan din may paraan ang lipunan upang matigil na ang cyber pornography sa ating bansa. Ang mga kabahayan at ang ating mga pamayananan ay dapat maging mapagmatyag sa kapakanan ng mga bata sa paligid, dahil kadalasan, ang mga kaanak mismo ang nagtutulak sa mga bata sa pornograpiya para lamang may pandagdag kita. Kailangan ma-irescue ang mga bata sa ganitong sitwasyon.
Kapanalig, ang paghihirap na nadadanasan ng mga bata dahil sa cyberbullying at cyberponography ay taliwas sa plano ng Panginoon para sa kanila. Kung ating titiyakin ang kanilang kaligtasan, ating mapapadama sa kanila na mahal sila ng Diyos. Ayon nga sa Justicia in Mundo, ang pakikinig sa panaghoy ng mga bikitima ng karahasan at ang pagtulong sa kanila ay pagbibigay buhay ng Mabuting Balita, at pagpapalaganap ng pagmamahal ng Panginoon.
Sumainyo ang Katotohanan.