42,172 total views
Mga Kapanalig, malapit nang matapos ang pangalawang taon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr, pero hinahanap pa rin ng marami sa atin ang pangako niyang gawing ₱20 kada kilo ang presyo ng bigas.
Malapit na raw itong mangyari. Pagsapit daw ng Agosto, inaasahan ng gobyernong bababa sa ₱29 kada kilo ang pinakamababang presyo ng bigas, lalo na para sa mahihirap.
Paano ito mangyayari?
Inanunsyo ng National Economic and Development Authority (o NEDA) ang pag-apruba sa bagong Comprehensive Tariff Program na ipatutupad mula ngayong taon hanggang 2028. Layon nitong panatilihing abot-kaya ang presyo ng mga bilihin. Bahagi ng programang ito ang pagbababa sa taripa o buwis na ipinapataw sa mga inaangkat nating produkto. Ang bigas, halimbawa, ay papatawan na lang ng buwis na 15% mula sa umiiral na 35%. Magreresulta ito sa pagbaba ng presyo ng bigas, na nitong mga nakalipas na buwan ay sumipa nang napakabilis.
Good news ito para sa ating mga mamimili, lalo na sa mga kababayan nating pilit na naghihigpit ng sinturon, matustusan lamang ang kanilang mga pangangailangan. Kumpara kasi sa presyo ng ibang produkto, pinakamabilis ang pagtaas ng sa bigas. Nasa 24.4% ang tinatawag na rice inflation noong Marso at inaasahang mananatiling mahal ang bigas hanggang Hulyo dahil sa El Niño at kakulangan sa world supply. Noong Marso, ang average na presyo ng regular milled rice ay sumampa na sa mahigit ₱50 kada kilo. Ang pagbulusok ng presyo ng pagkaing hindi mawawala sa ating mesa ay isa sa mga dahilan kung bakit ibababa ng pamahalaan ang taripa sa bigas na galing sa ibang bansa.
Pero may mga ekspertong nangangambang negatibo ang maging epekto ng pagbababa ng taripa sa mga lokal na magsasaka. Maaari kasing bumagsak din ang presyo ng bigas na binibili mula sa ating mga magsasaka dahil kung hindi, mas tatangkilin ng marami ang mas murang imported na bigas. Sa huli, ang makikinabang daw ay ang mga dayuhang producer. Pinawi naman ng National Food Authority (o NFA) ang pangambang ito. Tiniyak ng NFA na bibilhin pa rin nito ang bigas ng mga lokal na magsasaka sa halagang hindi sila malulugi. Ganito rin sana ang gawin ng mga pribadong traders.
Bilang mga mamimili, ang main concern natin marahil ay kung paano mapagkakasya ang ating badyet sa araw-araw. Isinasaalang-alang ito ng ating gobyerno kaya gumagawa ito ng mga paraan para hindi lalong mabutas ang ating mga bulsa. Ngunit alalahanin din sana natin ang kalagayan ng ibang sektor—gaya ng mga magsasaka—na posibleng makaranas ng negatibong epekto ng mga patakarang pumapabor sa iba. Isa nga ang mga magsasaka sa mga pinakadukha sa ating bayan.
Ang Pilipinas ang pinakamalaking rice importer sa buong mundo. Patunay ito na kulang na kulang ang ating lokal na produksyon para tapatan ang lumalaking pagkonsumo natin. Kaya patuloy ang panawagan ng ating mga magsasaka ng sapat at akmang tulong para palakihin ang kanilang ani. Kasama sa mga mungkahing hakbang ay ang paggamit ng mga tinatawag na hybrid varieties, mainam na paggamit ng pataba o fertilizers, pagsasanay sa mga magsasaka sa paggamit ng makabagong teknolohiya, at paghikayat sa kabataang magsaka.
Sapat na ba ang ginagawa ng ating pamahalaan sa mga bagay na ito? O kulang pa rin ba kaya pag-aangkat ang pangunahing estratehiya nito?
Mga Kapanalig, minsang sinabi ni Pope Francis na walang sangkatauhan kung walang pagsasaka. Kung walang pagkain, walang buhay sa mundong ibabaw. Kaya naman, maging masigasig din sana tayo, sa pangunguna ng ating gobyerno, na bigyang-proteksyon ang mga Pilipinong magsasaka. Sa ganitong paraan, “ang magsasakang nagtatrabahong mabuti,” wika nga sa 2 Timoteo 2:6 “[ay] unang [makikinabang] sa bunga ng [kanilang] pinaghirapan.”
Sumainyo ang katotohanan.