3,287 total views
Umapela ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mananampalataya na isulong ang kapayapaan at proteksyon sa biyaya ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao.
Sa pagninilay ng santo papa sa Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos at paggunita sa 58th World Day of Peace, binigyang diin nito ang kalahagahan ng buhay ng bawat indibidwal kaya’t dapat itong igalang at protektahan.
Tinuran ng santo papa ang halimbawa ng Mahal na Birhen na nagdalantao kay Hesus upang magkatawang tao at makilakbay sa sangkatauhan.
“On the World Day of Peace, this invitation springs from Mary’s maternal heart, and we are all called to heed it: to protect life, care for wounded life—so much wounded life—and restore dignity to the life of every ‘born of a woman’,” bahagi ng pagninilay ni Pope Francis.
Ipinaliwanag ng Santo Papa na ang pagkakatawang tao ni Hesus sa pamamagitang ng Birheng Maria ay nagpapakita ng presensya ng Diyos sa kabila ng kahinaan ng tao.
Mariin ang panawagan ni Pope Francis sa bawat isa na dapat igalang ang dignidad ng buhay ng tao kasabay ng pagkundena sa mga karahasan sa mundo na kumikitil ng buhay lalo na sa mga inosenteng sibilyan.
“I ask for a firm commitment to promote respect for the dignity of human life, from conception to natural death so that every person may love their life and look to the future with hope,” ani Pope Francis.
Samantala muling inanyayahan ni Pope Francis ang bawat isa lalo na ang isang bilyong katoliko sa mundo na ipagpasalamat ang mga biyayang ipagkakaloob ng Panginoon sa taong 2025 lalo’t kasabay nito ang pagdiriwang ng Jubilee Year kung saan bawat pagdalaw sa mga jubilee churches ay matatamo ang plenary indulgence.