315 total views
Mga Kapanalig, sariwa pa sa alaala ng mga kababayan natin sa Kasiglahan Village, isang resettlement site ng gobyerno sa Rodriguez, Rizal, ang kalunus-lunos na sinapit nila noong nanalasa ang Bagyong Ulysses noong 2020. Rumaragasang bahang may kasamang makapal na putik at malalaking troso ang sumira sa kanilang mga bahay. Maraming residenteng inanod ng tubig at hindi na muling nakita. Ilang buwan ang kanilang hinintay upang makatayong muli kahit papaano mula sa trahedyang iyon.
Ito ang ayaw na muling mangyari ng mga alkaldeng sumama sa isang panawagang kanselahin na ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) ang tatlong large-scale quarrying agreements sa Masungi Georeserve at iba pang bahagi ng Upper Marikina Watershed. Kabilang sa pumirma sa isang liham sa DENR ang mga mayor ng Marikina, Pasig, at Muntinlupa, gayundin ang bise-alkalde ng Angono at mga kapitan ng ilang barangay sa Marikina. Hindi kasama ang mayor ng Rodriguez.
Sa sulat, sinabi ng mga mayor na ang kanilang mga constituents ang laging nasasalanta sa baha tuwing may malakas na bagyo at ulan sa Upper Marikina Watershed. Sa kanilang mga bayan kasi bumababa ang tubig mula sa naturang watershed. Dagdag pa nila, ang pagkakalbo ng kagubatan sa watershed at pagbabaw ng mga ilog doon ang nagpapalalâ sa bahang nararanasan sa kani-kanilang bayan. Idiin nilang dapat protektahan ang Upper Marikina Watershed na bahagi ng bulubunduking Sierra Madre na nagsisilbing proteksyon natin sa malalakas na bagyo. Dapat daw isaalang-alang ang kapakanan ng mga tao ngayon at sa hinarahap.
Bagamat sinuspindi na ng DENR ang mga Mineral Production Sharing Agreements (o MPSA) na sumasakop sa mahigit 1,300 ektarya ng kagubatan, hindi ito garantiyang mapipigilan ang anumang quarrying operations sa protected watershed. Sa ngayon nga, may banta ng quarrying sa Masungi Georeserve, isang protected forest area na Rizal. Sa ngayon, pinangangasiwaan ang lugar sa tulong ng mga pribadong organisasyon at mga multi-sectoral environmental groups, ngunit ilang beses nang nagtangka ang mga may interes sa quarrying na pasukin ang lugar.
Sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, hiniram ni Pope Francis ang mga salita ni Ecumenical Patriarch Bartholomew na ang pagsira sa kalikasan—kasama na ang pagkalbo sa mga gubat—ay maituturing na kasalanan. Dagdag pa niya, “to commit a crime against the natural world is a sin against ourselves and a sin against God.” Ang pagkakasala sa kalikasan ay pagkakasala rin laban sa ating mga sarili at laban sa Panginoon. Sabi nga sa Mga Pahayag 11:18, hahatulan ng Diyos “ang mga nagwawasak sa daigdig.” Ito na ang nangyayari sa atin ngayon sa tuwing may mga kalimidad. Bumabalik na sa ating mga tao ang ating pagpapabaya sa harap ng kasakiman ng iilan.
Ang masaklap, ang mga taong wala namang kinalaman o bahagi sa mga kasalanang ito ang labis na nasasalanta sa tuwing may mga kalamidad. Laging ikinakatwiran ng gobyerno at mga may-ari ng malalaking negosyo na makatutulong sa kaunlaran ang mga proyektong katulad ng pagmimina at quarrying. Ngunit aanhin natin ang kaunlarang ito kung ang kapalit naman ay buhay at kaligtasan ng mas marami? Aanhin natin ang kaunlarang ito kung ang kapalit nito ay ang pagsira sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon? Nakalulungkot na may mga taong ang iniisip lamang ang pansamantalang ganansya sa halip na ang pangmatagalang epekto ng kanilang pagsira sa kalikasan.
Mga Kapanalig, madagdagan pa sana ang mga lider nating maglalakas-loob na manindigan para sa pangangalaga hindi lamang ng Upper Marikina Watershed kundi pati ng napakaselang kalikasan ng ating bansa. Maraming taon ang bibilangin upang maibalik sa dati ang nasira nating kalikasan, ngunit ang mahalaga ay ang magsimula ngayon na.