488 total views
Umapela si San Antonio Archbishop Gustavo Garcia-Siller sa mga lider ng Estados Unidos at iba pang mga bansa na itaguyod ang kahalagahan ng buhay ng bawat nasasakupang mamamayan.
Ito ang pahayag ng obispo kasunod ng pamamaril sa Robb Elementary School sa Texas Estados Unidos.
Iginiit ng arsobispo na patuloy manindigan ang simbahan sa kasagraduhan ng buhay at mariing kinundena ang karahasan.
“The Catholic Church consistently calls for the protection of all life; and these mass shootings are a most pressing life issue on which all in society must act — elected leaders and citizens alike,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Siller.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad ng Texas, kinilala ang suspek sa deadliest shooting nitong May 25 na si Salvador Ramos, 18-taong gulang na residente ng Uvalde, Texas.
Batay sa ulat binaril ng suspek ang lola nito bago tumungo sa eskwelahan at naghasik ng karahasan na ikinasawi ng 18 mga bata.
Sinabi ni Archbishop Siller na nakababahala ang ganitong uri ng karahasan lalo’t sangkot sa krimen ang isang kabataan.
“When will these insane acts of violence end; it is too great a burden to bear. The word tragedy doesn’t begin to describe what occurred. These massacres cannot be considered “the new normal,” ani ng arsobispo.
Sa tala ng America, ito na ang pinakamalalang karahasan kasunod ng Sandy Hook shooting sa Connecticut noong 2012 na ikinasawi ng halos 30 indibidwal na karamihan ay kabataan.
Tiniyak ng simbahan sa Amerika sa pangunguna ng United States Conference of Catholic Bishops na kaisa ito sa pagdalamhati sa pamilya ng mga biktima ng mass shooting at dalangin sa Panginoong makamtan ang katarungan ng bawat biktima.
“We pray that God comfort and offer compassion to the families of these little ones whose pain is unbearable. They must know that we are with them and for them. May the Lord have mercy on us all,” dagdag pa ni Archbishop Siller.
Sa Pilipinas patuloy din ang panawagan ng simbahang katolika sa mga lider ng bayan at sa bawat mamamayan na wakasan ang anumang uri ng karahasan sapagkat wala itong maidudulot ng kabutihan sa lipunan.