254 total views
Mga Kapanalig, ang mundo ay higit na nagiging awtoritaryan. Ibig sabihin, laganap ang mga rehimeng hindi nagtataguyod ng demokrasya. Nariyan ang walang habas na pagsupil sa malayang pamamahayag at paghina ng rule of law sa maraming bansa. Batay ito sa bagong labás na Global State of Democracy Report 2021 ng Institute for Democracy and Electoral Assistance, isang international na samahang gumagawa ng mga pag-aaral tungkol sa demokrasya.
Ayon sa report, lalong nagiging awtoritaryan ang mundo sa nagdaang limang taon. Makikita ito sa datos na mas maraming bansa ang patungo sa pagiging awtoritaryan kaysa sa bilang ng mga bansang lumalakas ang demokrasya. Sa katunayan, ang bilang ng mga bansang patungo sa awtoritaryanismo ay halos tatlong beses na marami kaysa sa mga bansang nagiging mas demokratiko. Naging malaking hamon din para maisabuhay ang mga prinsipyo ng demokrasya ntiong nagadaang taon dahil sa mga limitasyong idinulot ng pandemya.
Dito sa ating rehiyon sa Asia and the Pacific, parehas na makikita ang matitibay na awtoritaryan at demokratikong bansa. Binanggit sa report ang mga kaguluhan nitong nagdaang taon sa Myanmar, Hong Kong, at Afghanistan. Samantala, may mga bansa sa ating rehiyon katulad ng Mongolia at New Zealand na naipakitang posible ang malaya at mapayapang halalan sa gitna ng pandemya. Sa kasamaang palad, sinabi rin sa report ang tila pagguho ng demokrasya sa India, Sri Lanka, Indonesia, at dito mismo sa Pilipinas. Ilan lamang sa mga sinasabing banta sa demokrasya sa mga bansang ito ang militarisasyon o pagpasok ng mga military sa pulitika, ang pagsupil sa malayang pamamahayag, at matinding polarization o pagkakahati-hati ng taumbayan.
Hindi natin maikakaila ang ilang malungkot na katotohanan sa report tungkol sa ating bansa. Sa gitna na pandemya noong isang taon, naisabatas dito ang Anti-Terrorism Act of 2020. Maraming kuwestiyonableng probisyon ang nasabing batas na lubhang makaaapekto sa ating malayang pakikilahok sa pamamahala. Nariyan ang malawak at malabong pagkahulugan sa “terorismo” na maaaring magdiin maging sa mga lehitimong kritiko ng maling pamamahala. Maaari ding ikulong nang walang warrant of arrest ang mga pinaghihinalaang terorista.
Patuloy din ang mga isyu ng katiwalian sa gitna ng milyun-milyong Pilipinong nagugutom at nagkakasakit dahil sa pandemya. Labis na sinisira ng korapsyon ang tiwala ng taumbayan sa mga institusyong dapat ay nagsusulong sa kanilang mga karapatan at kabutihan sa isang demokratikong sistema.
At nitong nagdaang buwan, kitang-kita natin kung paano tila nilaro ng mga pulitiko at malalakas na angkan ang filing of candidacy para sa 2022 national elections. Taumbayan ang naiiwang lito sa mga nag-aagawan sa kapangyarihan.
Naniniwala ang mga panlipunang turo ng Simbahan na ang makabuluhang demokrasya ay hindi bunga lamang ng pagsunod sa mga pormal na panuntunan at mga batas, ngunit bunga ito ng malalim na pagtanggap at pagsasabuhay ng mga mamamayan at kanilang mga lider sa mga prinsipyo ng demokrasya. Ilan lamang sa mahahalagang prinsipyo na ito ay ang paggalang sa dignidad ng tao, respeto sa kanilang mga karapatan (kasama na ang malayang pamamahayag at pakikilahok), at paninindigan para sa kabutihang panlahat. Kung naisasabuhay ang mga prinsipyong ito, magiging buo ang tiwala ng taumbayan sa mga institusyon. Lalakas ang kanilang loob na papanagutin ang mga tiwali sa pamahalaan. Tunay na buháy ang demokrasya.
Mga Kapanalig, sinasabi nga sa Filipos 3:20, “Tayo ay mga mamamayan ng langit.” Kaya nawa’y maisabuhay natin sa mundong ito ang tunay na ibig sabihin ng pagiging mamamayanan ng langit. Gawin nating mas malapit ang mundong ito sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusulong at pagtatanggol sa demokrasya—demokrasyang ginagawang posible ang pagtataguyod sa dangal ng tao at sa kaunlaran ng lahat. Tandaan natin ito lalo na ngayong papalapit na ang eleksyon.