51,273 total views
Mga Kapanalig, naghain ng reklamo sa Commission on Human Rights (o CHR) ang mga asawa ng persons deprived of liberty (o PDL), partikular na ng mga political detainees, dahil sa “strip search” na isinagawa sa kanila sa New Bilibid Prison (o NBP). Pinaghubad at pina-squat daw sila nang ilang beses bago madalaw ang kanilang mga asawang PDL. Labis na kahihiyan at trauma ang idinulot nito sa kanila.
Kasama ng mga misis na naghain ng reklamo sa CHR ang grupong Kapatid, isang support group para sa mga political detainees,. Ayon sa tagapagsalita ng Kapatid, dapat imbestigahan ang strip search dahil sa mga posibleng paglabag sa international at lokal na batas kaugnay ng pagtrato sa mga PDL at kanilang mga dalaw, maging sa pagprotekta sa kababaihan. Dagdag ng Kapatid, sinabi raw ng mga nagsagawa ng strip search na utos iyon “mula sa itaas.”
Paliwanag naman ng Bureau of Corrections (o BuCor), nagsasagawa sila ng strip search sa mga pinaghihinalaang may dalang kontrabando, katulad ng iligal na droga, at bilang tugon sa isang intelligence report. Sa kabila nito, ginagawa daw ng BuCor ang strip searches sa propesyonal na paraan at may pagsasaalang-alang sa interes ng sinumang sasailalim dito. Sinimulang ipinatupad ang strip searches nang makahuli ang BuCor ng mga dalaw na nagpupuslit ng kontrabando. gamit ang kanilang katawan. Mga babae pa raw ang karaniwang ginagamit para mailusot ang mga ito. Kailangan daw ang strip searches upang masigurong walang mga iligal na gawain sa loob ng NBP at epektibong maprotektahan at matulungang magbagong-buhay ang mga PDL. Giit pa ng BuCor, hindi strip searches ang gagawin nila kung may pondo sila para bumili ng body scanners.
Nangako naman ang CHR at Department of Justice (o DOJ), ang kagawarang nakakasaklaw sa BuCor, na magsasagawa sila ng magkahiwalay na imbestigasyon sa nangyari. Binigyang-diin din ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi pahihintulutan ng DOJ ang anumang hindi makataong pagtrato sa mga bilanggo at kanilang dalaw sapagkat hangad nilang maging ligtas at disente ang ating mga bilangguan. Para naman sa CHR, bagamat kinikilala ng komisyon ang kahalagahan ng pagsigurong ligtas sa loob ng mga bilangguan, hindi dapat isinasantabi ang mga panungahing karapatang pantao at dignidad ng mga dalaw. Batay sa UN Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners, “intrusive searches should be undertaken ‘only if absolutely necessary’.”
Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang papel ng mga piitan sa pagbabagongbuhay ng isang bilanggo. Ang mga piitan ay hindi lamang nariyan upang protektahan ang publiko laban sa krimen. Mga lugar ito na naglalayong baguhin ang nagkasala nang maging handa siyang makabalik sa lipunan at maitaguyod ang katarungan. Sa ganitong paraan, maitatama ang mga relasyong nasira dahil sa krimeng nagawa ng bilanggo. Nakatuntong ang turong ito ng Simbahan sa dignidad ng bawat tao na hindi nawawala sa kabila ng kanilang pagkakasala sa batas.
Maituturing ding pagyurak sa dignidad ng tao at pagdaragdag sa kawalang katarungan kung mapatutunayang inabuso ang kaanak ng mga bilanggo sa NBP. Maging hudyat sana ito para mabigyan ng sapat na pondo at mga kagamitan ang mga piitan para maitaguyod ang dignidad ng mga bilanggo at maging ng kanilang mga dumadalaw na mahal sa buhay.
Mga Kapanalig, paano natin pupuntahan ang mga bilanggo katulad na paanyaya ni Hesus sa Mateo 25 kung may mga banta sa ating karapatan? Tugunan sana ang hinaing ng mga dalaw na nagreklamo ng pang-aabuso. Maging daan sana ito upang mapaigi ang lagay ng ating mga kapatid na nasa piitan. Tandaan natin ang paalala ni Hesus sa Mateo 25:45, “Anuman ang hindi ninyo ginawa para sa isa sa mga pinakamaliit na ito, hindi rin ninyo ito ginawa sa akin.”
Sumainyo ang katotohanan.