203 total views
Ito ang hamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga opisyal ng pamahalaan at mga dadalo sa gaganaping Laudato Si Conference ng buong Ecclesiastical Province of Manila.
Ayon sa Kardinal, hindi na bago sa mga Filipino ang mga karanasang dumaraan taun-taon dahil sa pananalanta ng mga kalamidad na dulot ng pagbabago ng klima.
Inihalimbawa ng Arsobispo ang palakas nang palakas na mga bagyo, mahahabang panahon ng tag-init, tag-ulan at mga lindol.
Dahil dito, naniniwala si Kardinal Tagle na mahalaga at napapanahon ang pagpapalalim ng kaalaman ng mga mananampalataya patungkol sa nilalaman ng Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis.
Ayon sa Kardinal, ang sama-samang pag-aaral at pagpapalalim ng pag-unawa ng mga mananampalataya ang magiging tugon sa kinakailangang pag-aalaga ng kalikasan na matagal nang naipagkait ng mga tao.
“Hindi na po lingid sa ating kaalaman lalo na sa ating karanasan bilang mga Filipino ang malaking pagbabago na nangyayari sa ating kapaligiran … Hindi na nga po natin alam kung kailan sumasapit ang dry season at wet season, nandyan pa ang lindol at palala din ng palala ang kahirapan, at kapag mayroon pong mga nasasalanta, ang higit na nagdurusa ay ang mga walang-wala.” Pahayag ni Kardinal Tagle sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, umapela si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, sa mga Sufragan Dioceses ng Ecclesiastical Province of Manila na magpadala ng kanilang kinatawan na makikilahok sa pag-aaral.
Ayon sa Obispo, marami sa mga karaniwang tao ang wala pang kaalaman tungkol sa encyclical na Laudato Si kaya naman mas maipapakalat ang turo ni Pope Francis kung ang mga kinatawan ng bawat simbahan ang magpapalaganap nito sa iba pang mananampalataya sa kanilang lugar.
“Lahat ng Sufragan [Dioceses] sana ay magpadala ng mga tao para sa Laudato Si [Conference] bigyan nating halaga ito kasi talang urgent ang nangyayari sa ating lipunan at sa ating kapaligiran, kaya sana maging mas conscious tayo kasi maraming mga tao ang hindi pa masyadong nakakaalam ng Laudato Si, dahil sa hindi pa nila alam ang Laudato Si, hindi pa nila nabibigyang halaga ang tungkulin natin sa inang kalikasan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Umaasa ang Obispo na sa tulong ng Laudato Si Conference ay dadami pa ang environmental warriors sa Pilipinas na magtataguyod ng tamang pangangalaga sa kalikasan at magpapalaganap ng mga turo ng Santo Papa kaugnay sa pagmamahal sa kapaligiran.
Sa kasalukuyan tinatayang 700 na ang mga rehistradong delegado ng Laudato Si Conference 2018.
Bukas pa rin ang pagtitipon para sa lahat ng nagnanais dumalo sa loob man o sa labas ng Ecclesiastical Province of Manila.
Magpadala lamang ng email sa [email protected] o kaya ay tumawag o mag text sa mga numerong 02-562 3470 at 0908 869 0211.
Ang Laudato Si Conference 2018 ay gaganapin sa ikalawa at ikatlong araw ng Pebrero simula alas siyete ng umaga hanggang alas singko ng hapon sa De La Salle Univerity Manila.