529 total views
Mga Kapanalig, halos dalawang linggo na ang nakalilipas nang mag-viral ang video ng mga residente ng Sibuyan Island sa Romblon na buong tapang na hinarang ang mga trak ng mining company ng Altai Philippines Mining Corporation (o APMC). Tutol sila sa mining activities ng APMC sa kanilang isla. Makikita rin sa video ang pagtataboy sa kanila ng mga pulis upang makadaan ang mga trak ng kompanya. Dalawang residente ng isla ang nasugatan.
Ang isla ng Sibuyan ay binansagang “Galapagos of Asia” dahil sa mayaman nitong likas-yaman. May tinatayang pitong daang species ng tinatawag na vascular plants, mahigit isandaang species ng ibon, at halos limampung species ng amphibians at reptiles sa Sibuyan. Ang Mount Guiting-Guiting, kung saan nananahan ang maraming likas na yamang nabanggit, ay itinalagang national park noon pang 1996.
Maliban sa mayabong na buhay ng mga hayop at halaman sa isla, kilala rin ito sa yamang- mineral, partikular na sa nickel, kaya itinuturing ding mining hotspot ang Sibuyan. Noong 1972, unang pinahintulutan ng pamahalaan ang Sta. Barbara Development Corporation (o STABADECO) na magsagawa ng mining exploration sa isla. Taóng 1996 nang ipasa ng STABADECO sa APMC ang lease contract na iginawad sa kanila ng pamahalaan para sa mining activities sa isla. Bukod sa APMC, pumasok na rin sa isla ang ibang mining companies katulad ng Sun Pacific, All Acacia, at Pelican Resources. Bumuo sila ng consortium na tinawag na Sibuyan Nickel Properties Development Corporation (o SNPDC). Noong 2007, binaril ng guwardya ng SNPDC si Armin Marin, isang konsehal sa isla, habang nasa isang pagtitipong lumalaban sa mga mining activities. Napawalang-sala sa kasong pagpatay ang guwardya.
May mga pagkakataon ding hatî ang mga residente at lokal na pamahalaan sa pagsuporta at paglaban sa mga mining activities sa isla. Noong 2012, pinasinayaan ng gobernador ng Romblon ang kauna-unahang anti-mining monument sa bansa bilang tanda ng pagkakaisa ng probinsya laban sa mga mapanirang proyekto ng minahan.
Ang kasalalukuyang isyu sa APMC ay tanda ng patuloy na laban ng mga residente ng Sibuyan upang protektahan ang kanilang tahanan at ng lahat ng likas-yaman sa isla. Umabot sila sa puntong mismong mga sarili nila ang ipinangharang sa mga trak upang tutulan ang pagmiminang kulang daw sa karampatang mga permits. Bilang tugon, inutusan na ng Department of Environment and Natural Resources ang kompanyang ihinto ang kanilang mga operasyon. Nanawagan din si Senadora Risa Hontiveros sa Senado ng imbestigasyon tungkol sa isyu.
Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng pagkilala sa halaga ng kalikasan. Limitado ang biyayang makukuha natin sa kalikasan at may ilan pa ngang hindi na napapalitan. Dahil rito, kailangang naisasaalang-alang ang kalagayan ng kalikasan sa mga ginagawa nating mga tao tungo sa kaunlaran. Ang ekonomiyang iginagalang ang kalikasan ay hindi nakatuon lamang sa pagpapalaki ng kita o yaman sapagkat hindi basta-basta matutumbasan ng halaga ang pagkasira ng kalikasan. Dapat maunawaan natin ang malalim nating ugnayan sa kalikasan. Katulad ng paalala ni Pope Francis sa Laudato Si’, hindi natin dapat tingnan ang ating sarili bilang hiwalay sa ating kalikasan o na ito ay ating tirahan lamang. Tayong mga tao ay bahagi ng kalikasan.
Mga Kapanalig, suportahan natin ang mga residente ng Sibuyan sa pagsasabuhay ng atas sa atin ng Diyos sa Genesis 2:15 na “alagaan at ingatan” ang daigdig na Kanyang nilikha. Subaybayan natin ang kanilang ipinaglalaban, at kung tayo man ay nakakikita ng lantarang pagsalaula sa kalikasan sa ating paligid, ipaalam din natin ito sa gobyerno at iba pang institusyon, katulad ng Simbahan. Ipagdasal natin ang tagumpay ng mga residente ng Sibuyan sa panawagan nilang protektahan ang kanilang isla.
Sumainyo ang katotohanan.