316 total views
Mga Kapanalig, nitong mga nakaraang buwan, sunud-sunod ang mga nababalitang pagprotesta ng mga residente laban sa isinasagawang pagmimina sa kani-kanilang lugar.
Noong Pebrero, nabalitaan natin ang pagprotesta ng mga residente ng Sibuyan Island sa mining activities ng Altai Philippines Mining Company (o APMC) sa kanilang isla. Sa nag-viral na video, makikita ang marahas na pagtataboy ng mga pulis sa mga residenteng bumuo ng human barricade upang harangin ang mga trak ng kumpanya. Makalipas ang ilaw araw, sinuspinde ng DENR ang mining operations ng APMC.
Ang laban ng mga taga-Sibuyan ay nagsilbi namang inspirasyon sa mga residente ng Brooke’s Point sa Palawan upang tutulan ang mining operations ng Ipilan Nickel Corporation (o INC) sa kanilang lugar. Itinuturing na iligal ang pagmimina ng INC dahil sa paglabag nito sa ilang batas, pati na sa cease and desist order ng mayor. Isinasagawa rin ang mga operasyon kahit walang pahintulot ng mga katutubo sa lugar. Sa kabila nito, patuloy ang pagpoprotesta at pagbabarikada ng mga taga-Brooke’s Point mula noong Pebrero upang protektahan ang kanilang lugar at ang mga likas-yaman doon. Nitong Abril lang, binuwag ng mga guwardiya ng INC ang barikada at marahas na dinampot ang ilan sa kanila.
Sa Eastern Samar naman, nanawagan sa gobyerno si Bishop Crispin Varquez ng Diocese of Borongan upang aksyunan ang lumalalang mining operations sa Homonhon Island. Aniya, nakababahala na ang negatibong epekto ng pagmimina sa mga komunidad at sa kalikasan. Kailangang magkaroon daw ng masinsinang pag-aaral sa lawak ng epekto ng lumalalang pagmimina sa isla. Mula pa noong dekada ’90, isinasagawa na ang open-pit mining sa isla sa kabila ng pagtutol at pagprotesta ng mga residente at mga environmental groups. Sa kasalukuyan, apat na kumpanya ang may mining operations sa Homonhon.
Sa kabila ng panganib na kaakibat ng pagsalungat sa makapangyarihan na mga mining companies, patuloy ang pagtindig ng mga residente, kasama ang mga environmental groups, para sa kanilang tahanan at likas-yaman sa kanilang lugar. Kahanga-hanga ito lalo na’t ang Pilipinas ay itinuturing na pinakamapanganib na bansa sa Asya—at ikaapat sa buong mundo—para sa land at environmental defenders. Ayon sa Global Witness noong 2022, isa sa bawat tatlong pagpatay ng mga defenders laban sa company operations sa bansa ay konektado sa mining industry. Hindi ba nakababahala ito? Kung sino pa ang nagtatanggol sa kalikasan, sila pa ang pinapatay ng mga sakim sa kita at kapangyarihan. At pwersa ng gobyerno mismo ang hinihinalang nasa likod ng maraming kaso ng pagpatay.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang pangangalaga sa kalikasan ay parte ng ating pananampalataya. Tutol tayo sa pagsira sa kalikasan at kabuhayan para lang makamit ang ‘di pantay na pag-unlad. Ayon nga kay Fr. Salvador Saturnino ng Puerto Princesa Cathedral sa kanyang misa sa Brooke’s Point para sa isang anti-mining protest, tungkulin natin bilang mga Katoliko ang pagprotekta sa biodiversity at likas na yaman. Sumasalungat tayo sa sinasabing pag-unlad na pinagkakaitan ng kinabukasan ang mga susunod na henerasyon. Katulad ng binanggit ni Pope Francis sa Laudato Si’, huwag sanang hayaan ng gobyerno na manaig ang interes ng mga mapaminsalang korporasyon kaysa sa pangangasiwa sa paggamit at pangangalaga ng ating mga likas na yaman.
Mga Kapanalig, hindi makatarungan ang ginagawang mining operations at marahas na pakikitungo sa mga nagprotesta ng mga kumpanya. Taliwas ito sa salita ng Diyos sa Filipos 2:4 na “pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba.” Hindi lang dapat ang pinansyal o pang-ekonomiya na pakinabang ang tinitingnan sa pag-unlad kundi pati ang mga malalim na epekto ito sa ating lipunan at kalikasan. Ang nais natin ay pag-unlad na balanse at integral, pag-unlad na iginagalang ang dignidad ng lahat ng nilikha ng Diyos.
Sumainyo ang katotohanan.