272 total views
Nanawagan ang Diocese of Malolos sa Local Government Units (LGU) sa Bulacan na solusyunan ang mga problemang nagdudulot ng pagbaha sa buong lalawigan tuwing tag-ulan gaya ng mga proyektong pang imprastraktura.
Ayon kay Fr. Efren Basco, social action center director ng diocese, dahil sa mga bagong gawang kalsada gaya sa Mc Arthur Highway bumaba ang mga lumang kalsada at naging makitid ang mga lumang drainage na dahilan kung bakit mas malalim ang mga pagbaha ngayon.
“Pakiusap sa ating LGUs na ating mga partners din na bago pa ang tag-ulan maihanda na ang mga critical problems sa mga community, halimbawa tinaas ang Mac Arthur Highway at yung mga problem yung mga lumang daan makitid ang drainage kaya nawawalan din ng saysay yung infrastructure dahil hindi naaayon sa mga bagong gawa, kaya ngayon baha konting ulan lang baha, reklamo ng tao, masisikip ang mga lumang drainage. Panawagan namin na sana bigyan ng solusyon para di makabigat ito sa mga tao lalo na tuwing tag-ulan,” pahayag ni Fr. Basco sa programang Barangay Simbayanan sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, nasa Meycauayan Bulacan ang SAC ng diocese upang mamahagi ng mga relief goods sa mga nabaha.
Nagpasalamat din si Fr. Basco sa Radyo Veritas at sa Caritas Manila na nakikipag-ugnayan sa diocese sa kung ano ang kanilang mga pangangailangan tuwing ganito ang sitwasyon.
Nanawagan din si Fr. Basco sa mga parokya na magkaroon ng sariling inisyatibo sa paghahanda para sa mga paparating pang kalamidad upang hindi gaanong malaki ang pinsala na idudulot nito sa mga mamamayan kung may kaukulan ng paghahanda bago pa ang kalamidad.
“Nakapaghanda tayo ng relief good para sa Meycauayan, dun lubog nakakatulong naman ang lgus, manageable naman salamat din sa Radyo Veritas at Caritas Manila na umaantabay sa atin, nakisuyo ang Meycauayan dadalhan natin ng relief good ngayon, nananawagan din ang diocese na sana yung mga parokya natin sarili inisyatibo na maghanda para maging magaan ang operasyon natin at makatanggap ang social action ng tulong lalo na ang goods, gamot at iba pa para mapaghandaan natin yung mga darating pang bagyo,” ayon pa sa pari.
Kahapon, nasa higit 2,000 o 2, 461 na indibidwal pa rin ang nasa siyam na evacuation centers sa Bulacan dahil na rin sa labis na pag-ulan na epekto ng Habagat nitong nakalipas na mga araw.