443 total views
Pansamantalang sinuspinde ng Diocese of Pasig ang pagsasagawa ng public Masses sa lahat ng mga parokya at kapilya sa Diyosesis.
Magsisimula ang suspensyon ng pagsasagawa ng pampublikong Banal na Misa sa Diocese of Pasig mula ika-31 ng Hulyo hanggang ika-20 ng Agosto batay na rin sa kautusan ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara kung saan ang lahat ng Misa ay maaaring daluhan sa pamamagitan ng online livestreaming sa Roman Catholic Diocese of Pasig Facebook page.
Ang anunsyo ng Diyosesis ay bilang tugon na rin sa pagpapatupad ng mas mahigpit na mga pag-iingat mula sa pinangangambahang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19 virus sa bansa.
Una ng inanunsyo ng Malacañang ang muling pagsasailalim sa National Capital Region sa dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) bilang pag-iingat mula sa banta ng Delta variant ng COVID-19.
Magsisimula ang muling implementasyon ng ECQ sa NCR sa ika-6 hanggang ika-20 ng Agosto kung saan kasalukuyan ay umiiral ang General Community Quarantine with heightened restrictions sa National Capital Region mula ngayong ika-30 ng Hulyo hanggang ika-5 ng Agosto.
Bukod sa pansamantalang pagsasagawa ng mga religious activities sa pamamagitan ng virtual o online streaming upang maiwasan ang social gathering ay lilimitahan lamang din ang maaaring makibahagi sa pagsasagawa ng mga necrological services at funeral sa pamilya ng pumanaw.