264 total views
Pinaaalalahanan ng grupong EcoWaste Coalition ang mamamayan na magkaroon ng kamalayan sa mga maaaring pagmulan ng dengue ngayong panahon ng tag-ulan.
Ito ay kasunod ng opisyal na pagdideklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na simula na ang tag-ulan sa bansa.
Tuwing tag-ulan, nagkakaroon ng iba’t-ibang klase ng mga sakit, lalo na ang dengue.
Pinapaalalahanan ni Department of Health Secretary Francisco Duque III ang mamamayan na ang epektibong pag-iwas at pagpuksa sa mga lamok na may dalang dengue ay ang pagpapanatili ng kalinisan ng kapaligiran.
Pinayuhan ni Duque ang mamamayan na tanggalin ang mga naiipong tubig sa mga lalagyan at stagnant water na maaaring pagmulan ng mga Aedes Aegypti, ang klase ng lamok na nagdadala ng sakit na dengue.
Hinimok din ng DOH ang mamamayan na agarang magpatingin sa doctor kung makaranas ng mga simptomas ng dengue gaya ng mataas na lagnat, pagsusuka, at mga pulang pantal na maaaring makita sa mukha at iba pang bahagi ng katawan.
Sa kasalukuyang tala, ang mga bata mula 10-14 taong gulang ang pinaka tinatamaan ng dengue.
Ang National Capital Region (NCR) ay may pinaka malaking tala ng mga kaso ng dengue na umabot na sa 6,493.
Nais ipabatid ni Pope Francis sa mga mananampalataya sa kanyang Laudato Si na nagdadala ng samu’t saring pinsala sa kalusugan, lalo na sa mga mahihirap, ang pagkababad sa mga dumi sa kapaligiran.