161 total views
Hindi dapat mangamba ang mamamayan sa idineklarang “state of lawless violence” ng Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang pambobomba sa Davao City kagabi na ikinasawi ng 16 at ikinasugat ng 71 katao.
Ayon kay Davao City 1st District Congressman Karlo Alexei Nograles, nais lamang ng Pangulo na magpatulong sa Armed Forces of the Philippines na sugpuin ang lawless violence dahil sa ginawang karahasang ito ng Abu Sayyaf Group na umaming may pananagutan sa krimen.
Dagdag pa ng mambabatas, ipinapakita ng deklarasyon na hindi ordinaryo ang sitwasyon ngayon kaya pinag-iingat at pinagbabantay din ang mga mamamayan kasama na ang apela na huwag matakot sakaling mas mahigpit ang pagbabantay ngayon ng mga pulis at katuwang na ang mga sundalo.
“Nakalagay sa ating Konstitusyon na the President as Commander in Chief may call out the military or the Armed Forces of the Philippines to suppress lawless violence so ito siguro ang pinatutungkulan ni president ng kanyang basis sa pagdedeklara ng state of lawless violence dahil sa ginawa ng Abu Sayyaf sa bombing sa Davao city. Magiging epekto nito maaring na siyang magpatulong to call out the military to suppress itong lawless violence, kumbaga ito po ay call sa taong bayan na may ganito tayong sitwasyon of extraordinary time dapat lahat ay maging vigilant at mag-ingat. Dapat ding hindi tayo magtataka kung makkita natin na mas magiging aktibo na ang ating military sa pag-secure hindi lamang sa Davao City kundi sa buong bansa.” Pahayag ni Nograles sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, sinabi ni Congressman Nograles na idineklara ang state of lawless violence sa buong bansa dahil ang Pangulo ang nakakaalam at nakakatanggap ng mga confidential information hinggil sa banta sa seguridad ng buong kapuluan
“Kailanga natin maintindihan na ang Presidente, siya ang nakakaalam nitong access sa mga confidential information , mga sensitive information kasi ang buong intelligence community sa presidente nagre-report at may nakukuha siguro siyang mga sensitive reports na basis niya rin sa pagde-declare ng state of lawless violence sa buong bansa.” Ayon pa sa mambabatas.
Mula taong 2013, nasa higit na sa 60 ang naganap na pambobomba sa Mindanao na ikinasawi ng mahigit 300 at ikinasugat ng halos 1,800 indibidwal kung saan ang 7 insidente naganap sa Davao region.
Nagpahayag na rin ng pakikidalamhati ang Simbahang Katolika sa pamamagitan ng mga obispo nito at nanawagan ng panalangin para sa mga biktima ng panibagong karahasan at gabayan ang Pilipinas mula sa mga masasamang gawain partikular na ang Mindanao lalo na ang Davao.