230 total views
Bukas ang tanggapan ng Philippine Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa mga organisayong ng simbahan na nagnanais tumulong sa mga maralitang naapektuhan ng sunog.
Layunin ng isinagawang memorandum of agreement signing sa pagitan ng PCUP at Bureau of Fire Protection ang imulat ang publiko sa panganib na hatid ng sunog lalo na sa mga naninirahan sa urban poor communities kung saan dikit-dikit ang mga bahay.
Kaugnay nito ay inihayag ni PCUP Chairperson Atty. Terry Ridon ang kanilang interes na makipagkaisa sa mga organisayon ng simbahan sa pag-agapay sa mga mahihirap na Pilipino na biktima ng sunog.
Binuksan ng P-U-C-P ang pintuan sa Simbahan para sa pakikipag-ugnayan at lalong mapaigting ang partnership sa ikabubuti ng mga maralitang taga-lungsod.
“Bukas na bukas yung opisina ng PCUP sa pakikipagtulungan hindi lamang sa mga people’s organizations o NGO’s kundi maging sa mga church-based groups na isa din sila na nasa gitna sa pagtulong sa ating maralita. Sa totoo lang, pinag-aaralan po namin sa taon na ito, yung pagkakasa ng church-based CSO’s conference upang mapag-usapan natin yung iba’t ibang mga problemang kinakaharap ng ating mga church-based organizations na tumutulong sa ating mga maralitang tagalunsod,” ani Ridon.
Bukod dito ay nanawagan si BFP Deputy Chief for Administration Leonard Bañago sa publiko na maging maingat sa pag-iwan ng mga kasangkapan at gadgets na ginagamitan ng kuryente na pangunahing pinagmumulan ng sunog.
Sa tala ng BFP, umabot na sa 859 ang naitalang insidente ng sunog sa bansa sa unang bahagi ng taon, kabilang na ang 452 structural incidents, 369 non-structural at 30 vehicular incidents na kumitil sa buhay ng 29 na indibidwal.
Una nang inihayag ni Caloocan Bishop Pablo Virgilo David na ang suliranin sa sunog ay hindi lamang nakapaloob sa fire prevention kundi suliranin din ng kahirapan at kawalan ng maayos na tirahan para sa mga dukha.