1,419 total views
Mga Kapanalig, may mga iniidolo ba kayo?
Marami sa atin ang may tinitingalang tao dahil sa kanilang mga katangian, ugali, at maging itsura. Nakikita natin sa kanila ang isang tao na gusto nating maging o sundan. Itinuturing natin sila bilang mabubuting halimbawa. Hindi naman ito mali, pero paalala nga sa Galacia 4:18, “Hindi masama ang magpahalaga, kung mabuti ang layunin…”
Nagiging mapanganib na ang pag-idolo sa isang tao kung nauuwi na ito sa panatisismo. Kahit may mga ugali ang mga iniidolo na hindi tanggap ng iba o salungat sa inaasahan ng marami, mabuti at malinis pa rin sila sa mga mata ng mga panatiko. Kulang na lang ay sambahin nila ang mga idolo nila. Kung kakailanganin, handa silang magsakripisyo para sa tinitingala nila.
Ganito marahil ang nag-udyok sa mga tagasuportang OFW ni dating Pangulong Duterte. Hindi nila tanggap ang pag-aresto sa kanilang iniidolong lider. Ramdam pa rin natin hanggang ngayon ang kanilang lungkot, galit, at hinanakit. Para igiit ang panawagan nilang pauwiin na sa Pilipinas ang dating presidente, nagdeklara silang hindi sila magpapadala ng remittance sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Naglunsad sila ng tinatawag nilang zero remittance week mula March 28 hanggang April 4.
Hindi natin maitatangging nakamamangha ang pagmamahal nila sa dating lider ng bansang humaharap sa kasong crimes against humanity. Marubdob marahil ang kanilang dasal sa Diyos na minsang tinawag na “stupid” ng kanilang idolo. Maliban sa pagiging mga bagong bayani ng ating bayan—salamat sa kanilang ipinapasok na pera para suportahan ang mga pamilya nila dito—handa rin nilang magsakripisyo para sa itinuturing nilang “tatay.”
At hindi lang perang pangsuporta sa kanilang pamilya ang handa nilang isakripisyo. Sa bansang Qatar, nagkilos-protesta ang mga umiidolo kay dating Pangulong Duterte kahit pa alam nilang ipinagbabawal ito ng pamahalaan doon. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, 17 na kababayan natin ang inaresto at ikinulong ng awtoridad. “Unauthorized political demonstration” ang turing ng gobyerno ng Qatar sa ginawa ng mga OFW.
Noong 2024, hindi bababa sa 8% ng ating gross domestic product—o yamang gawa o likha dito sa Pilipinas—ang katumbas ng remittances na ipinadala ng mga OFW. Mahigit 38.84 bilyong dolyar ito, mga Kapanalig. Mahigit dalawang milyong Pilipino ang naghahanapbuhay sa ibang bansa, at karamihan sa kanila ay mga contract workers. Mapipilay ang ating ekonomiya kung wala sila.
May mga duda kung may epekto nga ba sa ating ekonomiya ang isang zero remittance week na panawagan ng mga tagasuporta ng dating presidente. May mga naniniwala ding hayaan na lamang ng ating gobyerno na harapin ng mga inaresto sa Qatar ang bunga ng kanilang ginawa. Anuman ang kahinatnan ng mga ito, malinaw na hatî ang ating bayan, lalo na sa usaping pulitika.
Ito ang nakalulungkot. Sa isang banda, nauwi na sa panatisismo ang pag-idolo ng iba sa mga pulitiko, at may mga sinasamantala naman ito. Sa kabilang banda, mabilis ikahon at husgahan ng iba ang mga kababayan nating may ibang paninindigang pulitikal, at lalo silang itinutulak papalayo.
Malayo ang nangyayari sa atin ngayon sa hangarin ng ating Simbahan na ang pulitika ay dapat na nagtutulak sa ating maging bahagi at makibahagi sa kinabibilangan nating bayan. Ito ay dapat na nag-uudyok sa ating maging parte ng pinagsasaluhan nating pagkakakakilanlan, o shared identity sa Ingles. Para mangyari ito, dapat mamayani ang pag-ibig (o caritas). Pag-ibig ang dapat nasa puso ng pulitika.
Mga Kapanalig, ang pulitikang lumilikha ng hidwaan ay isang pulitikang hindi nakaugat sa pag-ibig. Napakalaki pa nga ng kailangan nating gawin—kasama ang Simbahan—para umiral ang isang pulitikang hindi nakabatay sa panatisismo, hindi ginagatungan ng pang-iinsulto.
Sumainyo ang katotohanan.